31 March, 2009

Sobre

Kumakatok ang lungkot
sa tuwing dumarating
ang kartero…

Maingat kong binubuksan
ang sisidlan ng kuwento mong
ilang ulit tinupi.

Marahang inuusisa
ng aking mga mata
ang kurba
ng mga letra ng liham
mong malihim.

At pagkatapos,
lalakbayin ng aking ilong
ang mga sulok ng ‘yong sulat
bago muling isuksok
sa parihabang alkansya ng lumbay.

Ay, para akong mapupunit
sa langitngit ng pintong hinagkan ng
hangin.

24 March, 2009

NAKAMAMATAY: Bawal ang Makabayan sa Embahada ng Amerika sa Pinas*

Bukol, putok na ulo, ube sa braso, ube sa mukha, ube sa likod, ube sa hita, ube sa binti, ube sa paligid ng mata, bangas, putok na nguso, wasak na kamiseta at basag na salamin sa mata-- ito ang depenisyon ng dramang "To Serve and Protect" ng PNP sa mga sumusugod sa embahada ng kano.

Sa balita, sa pag-init ng usapin ukol sa Visiting Forces Agreement (VFA) , panay-panay na naman ang ulat ukol sa mga rally sa nasabing embahada. Panay-panay na naman ang kabrutalan ng mga "Pulis na Pilipino" sa kanilang mga kababayan.

Noon pa man, kahit hindi sa usapin ng VFA, tulad ng pang-gigyera ng Amerika sa mga bansang Iraq at Afghanistan: sinasalubong ng hambalos ng truncheon at wasiwas ng pamalo ng mga mamang pulis ang mga raliyista na nagnanais tuligsain ang mga patakaran o karahasan ng gobyernonng kinakatawan ng naturang embahada.

Bugbog-sarado ang mga Pilipino sa sarili nilang bayan. Bugbog-sarado ang mga Pinoy sa kanilang mga kababayan, mga kababayang pulis. Habang sa loob ng embahada, sa malamig na embahada ay namamahinga o siguro ay pahila-hilata at pakamut-kamot ng kanyang itlog ang manggagahasang si Daniel Smith. Si Daniel Smith na manggagahasa.

Manggagahasa! Baboy! Manggagahasa! Baboy! Manggagahasa! Baboy! Manggagahasa! Baboy ang gobyerno ng amerika!

Kung bakit babalik at babalik ang mga mamamayan sa embahadang ito kahit ilang ulit masaktan,
kung bakit dapat tayong sumama sa kanilang pagbalik ay dahil:

pauulit-ulit nilang ginagahasa ang ating soberanya.
Pauulit-ulit nilang binababoy ang ating karapatan.


*Matapos kong makita ang namamagang sugat ni Kepi sa taas ng kanyang ilong, sa pagitan ng kanyang kilay.

10 March, 2009

Elehiya kay teacher Rebelyn

Apat na araw bago ang Pandaigdigang Araw ng mga Kababaihan, isang puting van lulan ang mga armadong kalalakihan ang tumangay sa isang guro sa Davao City.

Tatlong araw bago ang Pandaigdigang Araw ng mga Kababaihan-- natagpuang lumulutang sa isang ilog sa Carmen, Davao Del Norte ang guro na napaulat na dinukot, si teacher Rebelyn M. Pitao.

Isang substitute teacher si Rebelyn sa St. Peter College sa Toril, Davao City. Nang matagpuan ang katawan ng 20 anyos na guro: may 3 sentimetrong "ligature mark" sa leeg, 5 saksak na kung saan ang 2 ay itinarak sa kanyang kaliwang dibdib. Ang mga nasabing atake rin ay tumagos sa kanyang bituka, baga at diaphragm. Mukhang hindi pa nakuntento ang mga salarin, kung kaya't isang matigas na bagay pa ang kanilang iniulos sa maselang bahagi mo teacher Rebelyn.

At sa nangyari, isang malaking itim na tandang-pananong ang naiwan sa pisara, sa pasilyo, sa mga silid na pinagtuturuan mo, sa kuwaderno ng 'yong mga mag-aaral, sa Davao, sa Mindanao, sa buong bansa at sa buong daigdig. Isang MALAKING itim na tandang-pananong na tumititig sa amin sa araw-araw.

Anak ka raw ng isang opisyal ng New People's Army, e ano naman ngayon? Lahat naman tayo ay anak ng ating mga magulang na may pinili/pinipili pa ring tahakin sa kanilang buhay. Ang bawat isa naman sa daigdig ay nanggaling sa mga tinatawag na nanay at tatay na bago pa man tayo isinilang ay may gawaing pinaglalaanan na ng panahon. Lahat tayo ay anak ng mga nilalang na maaring isang abogado, pulis, sundalo, nurse, prostitute, OCW, Pulis Oyster, yaya-- at sa'yong kaso, ikaw ay anak ng isang NPA na nagnanais magpabagsak sa sistemang umiiral sa ating bansa--pero hindi ibig sabihin nito ay kung ano sila ay ganon din tayo.

Hindi one plus one ang buhay-- at ito ang hindi natutunan ng mga salarin.

Ang pagbibigay ng katarungan sa iyong malagim at maagang pamamaalam at ang pag-aangkin ng isang makataong lipunan ang takdang-aralin na hinding-hindi namin katatamaran.

Isang mataas na pagpupugay sa gurong inialay ang kanyang panahon at galing para sa kanyang mga kababayan at bayan!

Isang mataas na pagpupugay para sa iyo teacher Rebelyn M. Pitao!










07 March, 2009

Liyab ng Lila

Napatda sa'king kaliwang dibdib ang mga paningin ng tao sa LRT2 kagabi. Nakalimutan ko na may ikinabit nga pala akong kapirasong papel na may lasong lila at may nakasulat na: "Women's Rights are Human Rights."

Nagtataka sila kung bakit sa isang lalaki nila mababasa iyon. Namamangha sila na sa kasariang di umano'y pinaghugutan sa kanila na may malapad na balikat ang kakikitaan nila ng pirasong papel na itinusok ng aspile. Hinihintay ko lang na may magtanong. Subalit nakarating ako sa 'king destinasyon na puro mata, hindi bibig ang nagtanong.

Alam kaya ng mga nanay kung bakit ako may ganoong drama? Alam kaya ng mamang matagal na nakatingin sa nakasulat kung anong ibig sabihin noon?

06 March, 2009

Mga Kababayan Ko, Nais Kong Malaman N'yo

Habang nakatigil lang ang mga dyip at walang humpay na bumubusina, businang akala mo naman ay bubuwag sa buhul-buhol na mga sasakyan-- dumating ang isang mensahe. Bagama't alam kong posible ito lalo pa at napabalita ang kalagayan ng kanyang kalusugan, mas pinili ko pa ring magduda sa mga letra sa screen ng topakin kong cellphone.

Nang makarating ako sa Vicente Cruz, muling tumunog ang aking cellphone: "beh patay na si Francis M. :-(" Bigla-bigla, tumugtog sa aking isip ang kanyang mga kanta. Parang wala akong ibang nariring kanina habang naglalakad sa may Nagtahan. Wala akong ibang narininig maliban sa boses ni Kiko. Wala akong ibang naiisip maliban sa batang ako at si kuya na sinasabayan si Francis M. sa radyo.

May lungkot sa bawat pamamaalam. Nalulungkot ako kaya nga nagsulat ako ng ganito. Hindi lang dahil sa tagahanga niya ako kaya ako nalulungkot. Hindi ako nalulungkot dahil wala na talaga akong pagkakataon na makita siyang kumanta sa labas ng aming TV. Hindi ako nalulungkot dahil hindi na niya masasamahan ang EHEADS bukas--- ang maagang pamamahinga ng isang mahusay na alagad ng sining, isang nasyonalistang artista ang kahulugan ng aking lungkot.

Mga kababayan ko, nais kong malaman niyo:
Maraming mahuhusay kumanta, maraming kanta ang may kaaya-ayang tunog, subalit sa huli-- ang paksa pa rin ng awit, isang tinig na handang tumindig at tumunggali sa hamon ng panahon ang magbibigay dahilan upang maging imortal ang sining at ang artista.

Tinakdaan man ng sakit ang iyong pananatili rito Kiko, ipinagdamot man sa amin ng 'yong kalusugan ang mga bagong awit-- Francis Magalona nais kong malaman mo, bilib ako sa ambag mo sa'ting mga Pilipino.

05 March, 2009

Alinsangan

Dumating na siya. Nagkalat na ang mga tuyong dahon sa parke. Nagsusulputan na ang mga tindahan ng mga kinaskas na yelo na nilalagyan ng gatas, saging, sago, langka, ube, asukal, leche flan. Mataas na naman ang lagnat ng hangin at mga kalsada dahil dumating na si tag-init.

Nakatatamad lumabas ng bahay. Hindi sa ayaw kong mangitim (kuntento at proud ako sa kulay kong tinusta ng araw), kundi ayaw ko ng pakiramdam na malagkit sanhi ng mainit na hangin. Ayoko ng singaw ng semento na tumatagos ang init sa sapin sa paa. Sumasakit ang ulo ko sa sobrang liwanag at nanunuot na init sa katawan. Ayokong nagpapaypay. Nakakairita ang pagbiyahe-biyahe lalunat pinupuno ang sasakyan na maging ang pagpaypay ay di mo magawa, maging ang pagpunas ng pawis na namamaybay sa pisngi ay ipagdaramot sayo ng espasayo. Ang pamasahe mong P7 ay para lang sa pag-upo, hindi kasama ang paggalaw-galaw.

Pero noong bata pa ako, tag-init ang pinakagusto kong panahon sa kalendaryo. Bukod sa di ko makikita ang aking mga guro noon na talaga namang parang wala nang bukas kung makapag-paproject at research-- ito ang panahon na bumibisita kami sa aming mga pinsan.

Ang tag-init para sa akin noon ay paglalangoy, walang katapusang pagpaplano kung ano naman ang susunod na paglilibangan. Ang tag-init ay pag-akyat sa puno at pagbabalat ng mangga. Ang tag-init ay pagsisid sa malinaw na talon sa Real Quezon o sa pagtakbo sa puting buhangin ng Unisan.

Ang dami-daming alaalang dinadala ng alinsangan.

04 March, 2009

Si Jollibee, si Barney at ang batang si Gabo

Halos kabisado na naming lahat sa bahay ang mga kanta ng isang kulay talong na dinosaur, si Barney. Uma-umaga, isinasalang ng mommy ni Gabo ang Barney CD niya.

Nagtatalon, kumakandirit sa tuwa habang ginagaya ang mga bata sa loob ng 14 inches naming tv si Gabo. Aliw na aliw si Gabo sa kanyang mga kalaro na hindi niya kakulay at ni hindi niya katulad magsalita. Pero paano kaya niya nagagawang matuwa?

Nang magsimulang tumalon ang CD ni Barney, si Jollibee naman ang aming kalaro sa umaga. Si Jollibee, kasama ang ibang maskot na nakikita natin kung may nagdiriwang ng kaarawan. Jolly Town ang moda nila, pero kahit si Gabo, hindi ko kakitaan ng salitang saya habang nakatitig sa mga malilikot na maskot.

Ang higanteng bubuyog na kulay pula, dilaw at ang mga kapwa niya maskot na kala-kalaro ngayon ni Gabo tuwing umaga ay nag-aalok sa kanya at sa iba pang bata ng isang mahinang wika.

Pana-panahong nagtatagalog at nag-iinggles ang mga maskot. Inggles, Tagalog. Tagalog, Inggles. Sa murang edad ni Gabo, dalwang wika agad ang nagsasalpukan sa kanyang utak. Dalwang magkaibang salita agad ang humahanap ng puwang sa kanyang memorya.

Matagal nang nagbabadya ang krisis sa wika.

03 March, 2009

Kung bakit mali ang Right of Reply Bill

Panukalang pamukol sa kalayaan sa pamamamahayag.

Ganitung-ganito ang SB 2150 ni Senador Aquilino Pimentel at ang HB 3306 nina Cong. Monico Puentevelia, Juan Edgardo Angara. Mga panukalang batas na na inihapag sa Senado at Kongreso.
Bagama't sa magkaibang kapulungan inihapag-- parehung-pareho ang titulo: An Act Granting the Right of Reply and Providing Penalties Thereof." Bagama't sa magkaibang kapulungan inihapag-- gahibla lang ng buhok ang kanilang pagkakaiba. Pagkakaibang walang ibang babasbasan kundi ang mga impluwensiyal na indibidwal.

Dahil sa pag-init ng usapin, agad nagpahayag ang Palasyo na ivi-veto raw ng Pangulo sakaling maipasa man ito. Ito ang resulta ng maaga at madiing pagtutol ng mga miyembro ng media.

Isa-isa na ring nagbubukas sa mga miyembro ng media ang mga nasa likod ng mga panukala. Nais nilang makipag-usap, subalit para sa mga mamamahayag: walang dapat pag-usapan. Pareho lang ang tugon naming mga mamamahayag pangkampus: bakit kailangang pag-usapan ang isang pulpol na panukala?

Mas maraming dahilan kung bakit dapat ilibing agad ang mga panukalang ito kesa sa dahilan upang ito'y pag-usapan pa:

1. Ang Panukala ay Labag sa Konstitusyon. Tahasang sinasagasaan nito ang Article III, Section 4 ng 1987 Constitution, "No law shall be passed abridging the freedom of speech, of expression, or of the press, or the right of the people peacebly to assemble and petition the government for redress of grievances."

Sakaling maging batas ito, magtatanim ito ng takot sa mga mamamahayag na magsulat ng mga imbestigasyon ukol sa mga opisyal ng bayan o paaralan dahil maaaring gamitin ito upang buweltahan ang manunulat. At sa ganitong pangyayari, hindi makaaabot sa mga mamamayan ang mga bagay na dapat nilang malaman upang makapagsuri at kumilos para sa makabuluhang pagbabago.

2. Ang Panukala ay Represibo. Kung sakaling maging batas ito, inoobliga ang bawat pahayagan na maipublish ang tugon ng sinasabing "aggrieved person." Tatlong araw ang ibinibigay ng Senado, habang isang araw naman sa Kongreso upang ilathala ang sagot. Sa bawat pagpalya, may karampatang halaga ang ipapataw na maaring dumulo sa tahasang pagsasara ng mga pahayagan.

Sa ganitong kalakaran, pinangungunahan ng panukalang ito ang kapasyahan ng editorial board na 'malayang tukuyin' kung ano ang papaksain ng kanilang partikular na isyu.

Sasagasaan nito ang lahat ng mga pahayagan ng mga estudyante sa buong bansa. Sa kasaysayan ng campus press, wala pang pahayagan ang lumalabas araw-araw. Mayorya sa campus press ay nag-iimprenta ng mga artikulo laban sa mga anti-mamamayan at anti-estudyanteng polisya. At dahil sa katangiang ito, tiyak na magiging suki ang mga batang mamamahayag sa atake gamit ang mga naturang panukala.

3. Ang Panukala ay Walang Saysay. Batas ng pamamahayag ang pagkuha sa dalwang nagtutunggaling panig sa istorya. Sa proseso pa lang na ito ay agad nang naigagawad ang karapatang makatugon.

Kung may mga pagkakataon mang hindi naipipresenta ang isang panig, 'yun ay dahil tumangging magbigay ng kanyang panig o hindi mahagilap upang kapanayamin.

Bago pa man maisipan ng ating mga mambabatas ang panukalang ito, matagal nang kinikilala ng mga pahayagan ang tugon ng mga indibidwal. Hindi lang siguro nabasa ng ating mga butihing opisyal na may bahagi sa mga pahayagan na kung tawagin ay letter to the editor.

Isang nakatatawa ring pagdadahilan na ito raw ay maaaring maging daan upang kahit papaano ay mabawasan ang mga kaso ng pagpaslang sa mga mamamahayag. Hindi kailan man mareresolba ng isang batas ang ganitong insidente.

Matagal na tayong nabubuhay na naririyan ang batas na kumikilala at pumoprotekta sa ating mga karapatan pero patuloy ang pagtaas ng bilang ng pagdukot sa mga miyembro ng mga organisasyon at pampulitikang pamamaslang. Political will ang kailangan, hindi batas kung nais niyong maresolba ang tulad ng nabanggit.

Ang mga panukalang tulad nito ay nararapat na nating ibalik sa dapat nitong kalagyan-- sa BASURAHAN.

02 March, 2009

Balintuna

Para silang kidlat. Naglalaho silang mabilis na mabilis. Binalhan mo lang sila kani-kanina, bigla-biglang maging klaro angkalsada. Wala ang lamesa pinagpapatungan ng paninda. Parang walang naganap. Parang guniguni. Parang malikamata. Sila ang mga manininda sa bangketa.

Akala ko may away kanina sa may Padre Faura. Kasalubong ko ang mga mama at aleng kanya-kanyang takbo. Takbong tila hanggang may lupa. Parang sa pelikula, 'yung tagpong nagtatakbuhan ang mga taumbayan dahil may paparating na mga masasamang tao o may higanteng naghahanap ng makakain. Higanteng may malaking tiyan.

Kanya-kanyang silang suksok sa mga eskenita habang bitbit ang mga paninda. Ang galing talaga ng pinoy. Akalain mo ba namang ang mga mesang kanilang pinagpapatungan lamang kanina ng shades, medyas, panyo, posters ni Beyonce, alarm clock, makukulay na hikaw etcetera ay natitiklop at handa sa mga pagkakataong ganito. Handa sa pagdating hindi ng higante, kundi ng pulis na tulad ng higante sa pelikula ay malaki rin ang tiyan.

Hindi ko alam kung bakit sa mga ganitong pagkakataon, na sa halip umalis at di makigulo ay mas pinipili kong manatili. Hindi ako tsismoso, ilang ulit ko nang pinagdiriinan yan dito sa blog. Gusto kong malaman ang mga susunod na tagpo. Gusto kong masaksihan ang mga susunod na linya. Gusto kong ako ang magkukwento at hindi lang basta pagkukwentuhan. O di ba,ibang-iba ang tsismoso sa gustong magkwento? hehe

Di bali na lang daw na magutom, 'wag lang magnanakaw. Hindi ba't ito ang isinasabuhay ng mga mama at aleng parang dagang naghahanap ng lunggang masusuotan dahil huhulihin sila ng pulis? Sa anong kasalanan? Pagtitinda sa bangketa.

Di bali na lang ma-zero sa exam, 'wag lang mandaraya (dahil sarili raw natin ang dinaraya). E kung sa eleksyon mandaya? Sarili pa rin ba ang niloloko?

Isang malaking balintuna ang ating lipunan: tinutugis ang tama, malayang-malaya ang mandaraya at dakilang magnanakaw. Magnanakaw ng pera, boto, karapatan, kalayaan at buhay.
Magnanakaw ng kinabukasan.

01 March, 2009

1 Versus 899,999

Ilang linngo na lang at muli na namang makahihinga ang mga libro, kuwaderno, upuan, pisara at pasilyo ng mga paaralan. Ilang linngo na lang ay paparada na naman ang mga toga. Puti at itim na mga toga. Ilang linggo na lang ay magsisimula na ang lumang palaro ng pamahalaan sa magsisipagtapos.

Marami na naman ang nakatakdang mamaalam sa mga paaralan upang sumabak sa labas ng mga haligi ng akademya-- isang mundo ng kontradiksyon. Isang daigdig ng kawalang trabaho (o kung meron man ay mababa ang suweldo o walang kinalaman sa tinapos na kurso). Marami na namang pinapaniwala ang piraso ng nirolyong papel na padadaliin nito ang paghahanap ng mapapasukan. Sabi sa balita, 900,000 ang mga magsisipagtapos.

Ang drama: 1 versus 899,999. Silang lahat ang iyong katunggali sa mga ga-platitong maning mapapasukan.

Wala nang dapat ipagtaka kung ang mga magsisipagtapos ay maging si Maria Theresa Pangilinan-- ang matapang na estudyante mula sa Cavite State University na harap-harapang sumigaw habang nagsasalita si Gng Arroyo noong 2006-- "OUST GMA!"