Totoo pala. Kayhirap umibig sa isang makata.
At maniwala ka, grabeng maka-impluwensiya ang makata. Kahit ang inis ay kayang sabihin nang may tamis.
Madalas ay hindi ko siya maintindihan, parang paghahagilap sa kahulugan ng kanyang sinusulat na saknong. Pero kahit hindi ko siya lubos na maunawaan, alam kong malambing siya. Sinlambing ng tunog ng kanyang mga taludtod, sinatamis ng mga talinghagang ilang ulit kong binasa bago malasahan (sabi ko na sa’yo e, malakas makahawa ang dila ng makata).
‘Pag kasama ko siya, parang nauubos ang mga pangkaraniwang bagay. Peksman! Lahat nagiging espesyal ‘pag siya na ang nagsalita. Kung paaanong ang bato na dati ay isa lang kalat sa kalsada na sinisipa-sipa ko, o ibinabatu-bato sa dagat at binibilang kung ilang beses tatalon sa ibabaw ‘pag nagdadrama— ay biglang nagiging espesyal. Na pwedeng maging tao ‘yung bato o ako na mismo pala ‘yung batong sinisipa-sipa at inihahagis sa tubig.
Gets mo? Ok lang kung “slight,” ako rin medyo nalalabuan e.
Sa mata ng makata, walang bagay ang walang kahulugan. Kaya nga pakiramdam ko, ako na ang pinakatangang nilalang na nabuhay pa sa mundo ‘pag kakwentuhan ko siya.
Ultimo kape, pag siya na ang nagsalita ay nagiging isang bagay na parang hindi ko alam at ngayon lang narinig, samantalag kape lang naman ang aming pinag-uusapan. Ano bang meron sa kape, e pare-pareho lang mapait, maitim at anti-oxidant (Naks! Kunwari hindi tanga. Medyo lang)?
Iba siya sa mga makatang kakilala ko, pula ang ballpen na ginagamit niya sa kanyang notebook na punung-puno ng mga ninakaw na linya sa mga nakatabi sa jeep, fx, lrt, mrt, G-liner, bus sa EDSA, elevator, sa CR, sa karendirya, at sa kahit saang sulok na may taong nag-uusap o kahit nagsasalitang mag-isa.
“Hinihiram ko lang.” ang lagi niyang sinasabi sa tuwing hihiritan kong nagnanakaw siya ng salita. Puwede ba ‘yun? “’Pag nanghihiram, nagpapalam.” Lagi kong buwelta sa kanya. Na lagi namang susundan ng kanyang pang-FAMAS na linya: “Hindi lahat ng bagay ay pinagpapaalam. Paano naman aangkinin ng aleng nakasakay ko papuntang Katipunan ang sinabi niya, gayong pwede ko ring sabihin na naisip ko rin yon at marami pang nakaisip/makaiisip non? Na habang sinasabi niya iyon ay may kasabay siyang nagsasabi noon sa Luneta, sa Bohol at sa Sulu.” Magdurugo ang aking ilong, hudyat ng katapusan ng topic na iyon.
Pero kung minsan, hindi pa siya kontento sa pagdurugo ng aking ilong. Hihirit pa siya: “ Sa lahat, salita ang pinakamahirap panghawakan.” Unti-unting lalamlam ang kulay sa aking paligid. Magiging chiaroscuro ang lahat (naks, kunwari may alam din sa art).
“‘Yang sorry na ‘yan, ‘yan ang pinakakawawang salita. Ang kasunod ng bawat sorry ay isa bago at mainit-init na sorry tapos mandaraya/mangungurakot na naman.” Muling babalik ang kulay ng paligid, alam ko na ang susunod na tagpo: nakahiga ako sa isang bakal na higaan na walang latag sa emergency room ng PGH at muling hihimatayin dahil sa simoy ng hangin.
Pero kahit nagmumukha akong tanga, gustung-gusto ko siyang kausap. Kahit hindi ko siya maintindihan, pakiramdam ko’y nagkakaintindihan pa rin kami. Ang tanga lang talaga no?
Oo, mahirap umibig sa isang makata. Pero wala namang pag-ibig ang madali. Matagal nang nasabi sa blog na ito na: “Ang pag-ibig ay pakikibaka, hindi pantasya.” Naks na naman.
Kahit pa pintor yan, musikero, sirkero o kung ano pa mang trip mong mahalin, pare-pareho lang namang may kawirduhan ang bawat isa, o kung sa kausap kong makata yan— talinghaga ang itatawag niya diyan.
Parang tula lang ang pag-ibig. Masarap bigkasin kahit pa ang totoo’y hindi natin lubos nauunawaan ang bawat linya. Pero kahit pa pinagmumukha akong tanga ng talinghaga— binabasa ko pa rin ito nang paulit-ulit at sinasabing maganda ang tula. Kokoment pa ng: Syet ang lalim. Lupit mo!
Ngingiti siya kahit alam niyang hindi ko naman ganap na naunawaan. Ngingiti ka kahit iyun at iyon ang sinasabi ko sa kanyang tula. Tapos aakbayan niya ako at bubulong: "Salamat. Salamat at andiyan ka." Ako naman, kilig na kilig, at gaganting: "Wala 'yun, sus para tula lang." Toink!
Hay, sobrang cheesey na naman!
07 September, 2009
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment