10 September, 2009

Txt mula kay Makata

"Saan kaya nakapako ang 'yong paningin?
Saan nakadapo ang mapagpala mong palad?
Ilang langgam ang nagpatiwakal
marating lang ang iyong labi?"

Text ni makata. Hay, kung di pa ako sanay sa kanya, naku baka nacoma na ako.
Ganyan siyang mangumusta. Panalo di ba? Nag-uusisa lang sa aking ginagawa,idinamay pa ang langgam.

"Heto nag-eenroll. Bkit?" Walang ka-art-art kong sagot.

Gusto niyang makipagkita sa Quaipo. Natuwa naman ako dahil siya ang nagyaya this time. Pero hindi niya sinabi kumbakit at bakit sa Quiapo.

Sa may hilera ng manghuhula at bangketa ng pamparegla at kung anu-anong gamot sa bote sa gilid ng simbahan ko siya pinuntahan. As usual, bitbit na naman niya ang kanytang listahan ng mga ninakaw na linya. Ako, kunwari hindi excited na makita siya, kaya ingat na ingat sa pagtatanong na: "Anong meron at bigla mo akong naisipan itext?"

Tinitigan niya ako sa unang pagkakataon.

Ito ang sumunod na tagpo:

Nabasag ang grabedad noong hapong iyon. Naging pipi ang kapaligiran. Ang barker na tumatawag ng pasahero ay b u m a g a l ang pagkaway/pagtawag sa mga pasahero.Kitang-kita ko kung paano isinilid ng pulis ang kotong sa bulsa sa dibdib kung saan nakakabit ang tsapa. Kitang-kita ko kung paano pinigtas ang isang kwintas, kumpaano nadukot ang pitaka. Kitang-kita ko ang mga bagay na bagama't nakikita ay pinipiling hindi makita.

Lahat sila. Lahat ng naroroon noong hapon na nabasag ang grabedad ay sa akin napako ang paningin. Ang parehong titig sa tuwing kaharap ang natutulog na Santo. Ako, noong hapong iyon ang tanging may tunog: kalabog ng dibdib.

"Ay, mukhang nanadya na naman ang teknolohiya. Tinext kita na kung maaari mo akong samahan mag-DVD hunting."


Ayan, ang keso kasi!

No comments: