28 February, 2009

P.S: Pusong Sumabog sa pamamaalam ng Pebrero

Ngayon ang huling petsa ng buwang kulang-kulang. Ilan na naman kaya ang iniwang luhaan ng Pebrero?

Pula ang kulay ng Pebrero dahil marami ang nasasaktan, nawawalan, marami ang nasusugatan at kahit nga nasaktan-- marami pa rin ang lumalaban. Iniisip ko ang mga kadahilanan kung bakit sa pamamaalam ng Pebrero ay marami ang pusong kung hindi man nawasak, ay nahapo.

Sa buwang ito, tatlo lang naman ang dahilan ng kasawian:
Una, yaong may kinalaman sa pag-ibig.

Ikalwa, yaong may kinalaman sa pag-aaral. Dahil ngayon nga ay buwan ng salitang "pagmamahal," maraming paaralan ang nagdaraos ng tuition consultation. At maraming paaralan ang "nagmamahal" ang halaga ng edukasyon.

Ikatlo, ang combo: Loveless na nga, hindi pa makapag-aaral sa pasukan.

27 February, 2009

Saysay ng Sining

Saksi ang mga pangalan ng martir noong Martial Law na nakaukit sa malapad na itim na marmol. Saksi ang mga magkakalayong bituin at watak-watak na mga ulap sa langit. Saksi ang mga tuyong dahon sa lupa. Saksi ang mga malalaking ugat ng mga puno sa Bantayog ng mga Bayani sa QC.


Saksi maging kami, kaming mga nagtungo sa launching ng libro ukol sa kalagayan ng mga katutubo at ang pinaka-bagong album ng Dap-ayan ti Kultura iti Kordilyera (DKK), ang Chiwasi- sa napakayamang kultura ng Kordilyera.


Nang mapakinggan ko ang kanilang Salidumay nang minsang bumisita ako sa bahay ng isang kaibigan, agad akong naging tagahanga ng DKK. Nang personal ko silang marinig kanina at makita kung paano nila nililikha ang isang musika na tila nanggagaling sa kagubatan-- hindi ko napigilan ang aking sariling makisali sa pagsayaw.


Tiyak, hindi lang ang malambing na tinig nila ang dahilan kung bakit maging dito sa kalunsuran ay maraming parang idinuduyan sa paghanga. Makapangyarihan ang mensahe ng kanilang mga awitin. Hindi na lang sibat at mga kagamitang pandigma ang ginagamit ng Kordilyera-- maging ang musika at sining ay mahusay nilang napagsisilbi para sa laban ng kanilang lupain at kultura.


Sa kasalukuyan, pangunahing suliranin ng mga kapatid nating katutubo ay ang pagmimina. Sinisira nito ang kagubatan na kanilang tahanan. Nialalason nito di lang ang lupa, tubig at hangin-maging ang kanilang tradisyon ay unti-unting pinapatay.


Mula sa usapin ng kalikasan, kultura, patrimonya patungong isyu ng pampulitikang pamamaslang at pagdukot sa tulad ni James Balao ay tumugon at patuloy na tumutugon ang mga awitin ng DKK.


Ang awit, tulad ng iba pang porma ng sining ay di lang nilikha o nililikha upang parangalan at hangaan. Ang sining ay instrumento ng pakikipaglaban. Ang siningay kalasag ng bansa at mamamayan.




26 February, 2009

Paano nga ba maging magulang ngayon?

Nakisalo ako sa almusal na pangaral ng aming kapit-bahay. Pinagagalitan na naman si Justine ng kanyang nanay. May bagong project daw sa school. Sa madalang sabi, kelangan ng pera. Sa mas simpleng salita: GASTOS.

Ganito rin noon si daddy. Lagi niya kaming pinagdududahan 'pag humihingi ng pambayad sa ganito, may field trip, kelangang pumunta sa ganito, may practice at kung anu-ano pang kahingian noon sa school. Kung minsan nagdududa na rin ko na baka nga naman kumi-kickback lang ako dahil sa kadududa ni daddy. Pero totoo naman talagang my project.

Dahil sa maagang ipinaintindi ng aming mga magulang noon kung gaano kahirap kumita-- hindi namin naging ugali na mag-imbento ng mga pagkakagastusan. Mautak din ang mga magulang ko, ginawa nila yon para makonsensya kami kung nagbabalak man kami. Sino ba naman ang hindi tatalaban ng mga linyang :

Scene 1 Int. Sa loob ng isang bahay ng mayamang Chino sa Hong Kong. Hawak ng isang nanay ang telepono at kausap ang anak sa Pinas.
"Kung may tatanggap lang sa akin ditong magGRO ay gagawin ko para ma-ibigay ang lahat ng hinihingi niyo."

Scene 2. Int. Sa loob ng bahay namin noon sa Lucena. Pinagagalitan ng ama ang anak na gustong bumili ng usong sapatos.
"Aba! anong akala niyo sa pera, napupulot? Itinatae lamang?"

Ilang buwan pa lamang ang kanyang panganay, lumipad si kuya patungong Saudi. Ayaw daw niyang magutom ang kanyang anak. Nagsisimula nang maging matabil ang kanyang si Bughaw, maliksi nang tumakbo, marami nang alam na kalokohan, pero siyempre hindi naman iyon mararamdaman ni kuya sa mga larawang ipinadadala sa kanya. Ganon din ang kanyang anak, hindi naman niya makikilala ang kanyang tatay sa mga larawang naka-kuwadro sa kanilang sala.

Hindi ko kailangang maging magulang upang maramdaman ang hirap na naka-atang sa salitang "tatay" o "nanay." Sa panahon ngayon, kung saan sahod na lamang ang hindi tumataas, iniisip ko paano pa kaya nagagawang tumawa ng mga tatay at nanay?

25 February, 2009

Miercules de Ceniza

Nawala sa isip ko na ngayon nga pala ang simula ang pagpasok ng Kuwaresma. Ipinaalala na lamang ito sa akin ito ng noo ng aking mga kasakay. Mga noo nilang nangingintab-- para bang naggo-glow ang itim na cross.

Ang paglalagay ng abo ay simbolo ng pagsisisi sa mga kasalanan. Sa matandang sibilisasyon, dinudungisan nila noon ang kanilang mga sarili upang ipamalas ang kanilang pagpepenetensya.

Kahit noon pa man, ito ang ayaw kong bahagi ng kalendaryo, Mahal na Araw. Sa panahong ito ay maraming bawal. Ang tahimik sa probinsiya. Hindi kami noon makapaglaro ng aming mga kaibigan kasi sabi ni lola ay pag nagkasugat ay hindi raw agad gagaling.

Kung meron man ako noong nae-enjoy kung ganitong panahon, 'yun ay maraming mga mahuhusay na pelikulang tagalog akong napapanood.Kahit paulit-ulit nang napanood, hindi ko pa rin pinalalampas ang Himala at mga pelikula ni Lino Brocka.

Bigla ko lang naisip, nagpa-cross na kaya si GMA? Gaano kaya karaming abo ang iniligay sa kanya? Siguro sumisigaw na siya ngayon ng:
HALA-BIRA! HALA-BIRA!

24 February, 2009

Hawlang Lata, Hawlang Tabla

Pinagtagpi-tagping lata. Kalawangin, kulay berde, kulay pula. Tinabas batay sa lapad o habang pagkakabitan. May mga pabigat na lumang gulong ang pamandong ng mga pinagdikit-dikit ng pako na mga tabla. May mga posteng ang mga kable animo'y buhok na tinirintas. Ang tawag nila rito ay tahanan.

Hindi ito eksena sa indie films. Ito ang tanawin sa tulay na nagkakabit sa mga estasyong Recto at Doroteo Jose. Dahil sa sobrang dikit-dikit na ng mga kabahayan, ni hindi na napansin ng isa kong kaibigan na ang gusaling may mataas na pader at may mga barbed wire sa tuktok ay ang Manila City Jail.

Mahirap naman talagang mapansin ang hangganan. Mahirap naman talagang matukoy ang pagkakaiba. Kundi ko pa nakita noon ang mapa sa LRT 2, ay tiyak na iisipin ko rin na iyon ay bahagi rin ng mahabang latag ng yero.

Mula sa tulay, babatiin ka ng isang dalagang nagsusuklay sa bintana. Isang binata na nag-aahit ng balbas hawak-hawak ang salamin. Mga batang nagtatakbuhan sa yero habang maingat na hinihila-hila ang pisi ng kanilang saranggola. Mga kalapating naninirahan sa bubong. Mula sa tulay, tititigan ka ng Pilipinas.

Mahirap naman talagang isipin na naroroon ang bilangguan. Pare-pareho lang namang piitan ang ating ginagalawan.

23 February, 2009

Gatas ng Aklas

Ang paglilingkod ay walang kasarian. Ito ang pinatunayan ni Harvey Milk-- ang kauna-unahang ladlad na bakla sa kasaysayan ng politika ng Amerika.

Disyembre pa lang, nagkalat na sa Quaipo ang pelikulang MILK. Sa pagkapanalo ni Sean Penn sa Oscars, tiyak na marami ang magtatanong kung tungkol saan ang pelikula. Makatutulong ang tropeyo ni Penn upang mapag-usapan ang pelikula at mahikayat ang mga tao na panoorin ang MILK.

Oo, bakla si Harvey Milk, subalit ang pelikulang MILK ay hindi nilikha para sa mga kabaro niya at maging sa mga lesbyana-- ito ay pelikula para sa sangkatauhan.

Ang MILK ay isang hamon. Hamon sa mga halos isumpa at pandirian ang mga bakla at lesbyana. At hamon mismo sa mga bakla at lesbyana na nanatiling nakapiit sa madilim at masikip na kloseta. Ito ay kasaysayan kung paanong ang kasarian ay walang kinalaman sa pagiging mabuti at mahusay na mamamayan ng mundo ang isang indibidwal.

Ang MILK ay testimonya na sa sama-samang pagkilos, walang pader ang di kayang tibagin. Ang kalayaan ay hindi ibinibigay-- ipinaglalaban, sama-samang itong ipinaglalaban.

Tikman natin ang gatas ng paglaya.

22 February, 2009

Inetsapuwerang Petsa

Hindi tulad ng dati, kung ang Araw ng Kalayaan ay tumapat ng Miyerkules o kahit anong araw na may pasok sa eskuwela, sa araw na iyon mismo mawawalan ng klase. Malungkot kami ng noon sa tuwing papatak ang mga holidays sa araw ng Sabado o Linggo.

Noon, para sa aming magkaklase, ang holiday ay araw ng panghuhuli ng tutubi at salagubang, paliligo sa pantalan-- araw para maglaro at magsaya. Nang magsimula akong magbasa at maunawaan ang kasaysayan sa high school, at nagsimulang ma-intriga kung bakit si Rizal at hindi si Andres Bonifacio ang pambansang bayani, nagbago sa akin ng salitang "paggunita."

Ang paggunita ay pag-alala, ang pag-aalala ay pagbibigay halaga sa isang ambag sa kasaysayan o sa buhay ng isang tao o lahi. Subalit naiiba ang paggunita sa diksyunaryo ng kasalukuyang administrasyon: ang kasalukuyan ang nagtatakda ng nakaraan.

Lunes na ang araw ng mga paggunita. Inililipat sa pinaka-malapit na Lunes ang di pagpasok upang maging mas mahaba-haba raw ang ating pahinga. "Holiday Economics" ang tawag ng pamahalaan dito. Dahil sa mahabang araw na walang pasok, makatutulong daw ito sa ekonomiya dahil may pagkakataong magbakasyon at kumonsumo ang mga taong nais magrelax.

Saan ka naman nakakita sa isang bansang sardinas o canton na lamang ang kinakain ang uunahin pang pumunta sa Boracay, Baguio o sa mga vacation spots? Kahit nga sa simpleng pagpasyal na lang sa Luneta ay nagdadalwang-isip tayo, dahil bukod sa mahal ang pamasahe, ay laging nandyan ang banta ng holdapan dahil nga sa tumitinding kahirapan.

Walang kaso ang hangaring pagpapatatag ng ekonomiya para sa tunay na kagalingan ng bansa't mamamayan, 'yun naman talaga ang dapat. Subalit kung ang mga signipikanteng petsa sa ating bansa ay basta-basta na lang inililipat sa ngalan ng kita, para mo na rin sinabing walang saysay ang ating kasaysayan-- na wala tayong maipagmamalaking nakaraan.

Ang paglimot ay isang pagtataksil. Bahagi ng paglimot ay ang pagpapalabnaw ng kahalagahan ng nagdaan.

"Ang Biyernes Santo kaya ay Biyernes pa?" biro ng drayber sa akin noon nang mapag-usapan sa radyo ang Holiday Economics.

21 February, 2009

C(h)oke

Nagkalat na sa mga kalsada ang mga naglalakihang mukha ni Kim Chiu habang suut-suot ang t-shirt na kulay lila at may mga letrang mapusyaw na asul. Bago pa man tuluyan tayong pasuin ng papasok na tag-araw, agad na tayong inaaalok ng mga kamiseta ng pamatid-uhaw: "A coke a day keeps the bad trip away."

Ang sarap lagukin ng bagong gimik na ito sa tag-init. Kung gamot nga ito sa bad trip, tiyak walang sisimangot ngayong summer. Ganito na ang magiging drama: Wala kang trabaho? Magcoke ka! Natanggal ka sa trabaho? Magcoke ka! Hindi ka na makapag-aaral next year dahil sa tuition increase? I-coke mo yan! Sana nga ganito lang ang buhay.

Paano kung magkasakit dahil sa kaiinom ng coke? Di ba bad trip 'yun?
Bad trip ba kamo?
I-coke mo pa!

Para sa iba pang dulot ng paglagok ng softdrinks, bumisita sa:

http://www.filipinovegetarianrecipe.com/health_compilation/danger_of_coke_and_pepsi.htm

upang maintindihan ang salitang bad trip.

20 February, 2009

Baling Balita

Madiing tono. Gigil na nanguso. Matatalim na titig at kompiyansang pagduru-duro sa telebisyon ng tagapagbalita.

Habang lulan ako kanina ng G-Liner patungong Taft, ipinatalastas ang susunod na tatalakayin ng Imbestigador—kung paano raw ipinagdiriwang ang Araw ng mga puso sa isang siyudad sa kalakhang Maynila. Muli nilang tatalakayin ang isyu ng pinaka-matandang propesyon—ang prostitusyon.

Sa patikim sa isyu na aking nakita, pinasok ng mga pulis ang isang bar kung saan may mga nagsasayaw nang walang saplot. Kung saan may nagaganap na “torohan.” Walang takot nilang ipinakita ang operasyon— nang makapasok ang mga parak na huhuli sa kanila, nagsipulasan ang mga katawang parang nananahan sa hardin ng Eden. Mga nilalang na animo’y kalalabas lang sa nabiyak na kawayan. Dahil sa sinasabing “ethics,” pinalabo ng estasyon ang mga larawan.

Subalit kahit anong pagpapalabo pa ang gawin, ito lang ang mananatiling malinaw: hindi mapaaampat ng ganitong ulat ang isyu ng prostitusyon. Kahit anong tiyak ng tono ng taga-pagbalita, mananatiling walang katiyakan ang bawat araw para sa atin. Ang kawalang katiyakan na nagtutulak sa mga kapwa natin upang maghubad ng hiya sa entablado, habang kinikindatan ng pulang ilaw at pinaglalawayan ng mga aninong nakaupo sa paligid.

Higit pa sa salitang gasgas ang balita ukol dito. Higit pa sa usaping ito ang dahilan ng pag-iral ng media. Ang media ang sandigan ng mamamayan upang malaman ang dahilan kung bakit sila naghihirap, kung bakit sagad hanggang buto ang hiwa ng patalim na kanilang kinakapitan.

Hindi ako sang-ayon sa prostitusyon o ang isa pang madalas na paksa-- ang bawal na gamot, subalit hindi ba ang dapat na i-ulat ay kung bakit may mga kapuso at kapamilya tayong gumagawa nito? At kung sino o ano ang nagtutulak sa kanila upang magkaganon. Napakaraming mas malalim na usapin ang nangangailangan ng pagsisiyasat at imbestigasyon, subalit nakukupot ang balita sa mga biktima at hindi sa salarin.

Hangga’t ang media ay pagmamay-ari ng mga kapuso at kapamilya ng mga impluwensiyal sa bansa— mananatiling almusal, tanghalian at hapunan natin ang kawalang katiyakan.


At ito ang ulo ng mga nagbabagang balita sa bansang paulit-ulit hinuhubdan ng karapatan at kalayaan.

19 February, 2009

Eye bags

Inaabutan ko ang pagtilaok ng manok na panabong ng aming kapit-bahay sa paghihintay ng antok. Ito ang moda ng aking pagtulog gabi-gabi.

Nakadadalwang tasa ng kape ako sa gabi, pero ganito na naman ako noon pa pero di naman nito hinahadlangan ang pagbigat ng aking talukap. Tiyak ako, hindi kape. Sanay na ang aking sistema sa caffeine. Sabi ng titser ko noon sa higschool, pag di raw makatulog ay maaring makatulong ang mga sumusunod:

1. Uminom ng gatas. Ginawa ko naman kaso walang effect at mahal ang gatas.
2. Magbasa. Lalong nandilat ang aking mata dahil sa pananabik na malaman
ang mangyayari sa mga tauhan. Ngayong linngo, nakadalwang nobela ako.
3. Magbilang ng tupa. Bakit ko naman gagawin 'yon? Mga bata lang sa cartoons ang
gumagawa nito. At isa pa bakit tupa ang kailangang bilangan? At paano naman ako
ihahatid ng pagbibilang sa paghimbing?
4. Magdasal. Napagod na ako sa ka-aamanamin at ilang ulit na rin akong nagsisi.
Sibukan ko na ring itakip sa mata ang panyong El Shadai ni lola. Kinausap ko na rin
ang mga santo sa Quaipo noon, pero wala pa rin, nauna na ata silang managinip bago
ko pa man sila kausapin upang humiling ng antok.

Ngayong nagsisimula nang maging maalinsangan ang hangin sa gabi, naliligo ako bago humiga sa kutson. Pero sadyang pakipot ang antok.

Nang sabihin ko kay mommy na konti na lang at magkakaanak na siya ng zombie, ito lang ang kanyang nasabi: "'Wag ka na kasing isip nang isip bago matulog."

Pwede bang sa tuwing matutulog ako ay hindi ko iisipin na maraming mawawalan ng trabaho? Na maaaring kasama rito si kuya na nasa Saudi at si ate na nasa Singapore? Paano ko ba hindi maiisip na maraming magsisipagtapos na walang naghihintay na trabaho, paano ang aking mga kaibigan na inaasahan ng kanilang mga magulang? Paano ang aking mga pinsan na ipinangutang pa ng kanilang mga magulang makapagtapos lamang? Kakayanin ko kayang hindi mag-isip kung ano na kaya ang nangyari sa mga aktibistang dinukot, na patuloy pa ring naghihintay ang mga ka-pamilya nina Sherlyn Cadapan. Karen Empeno, Jonas Burgos, Randy Malayao at marami pang mga pangalan? Hay, pano ko naman maiiwasang hindi muna isipin na pinapatay sa bansang may demokrasya ang mga aktibista at mamamahayag?

Bakit ba pati pagtulog ay kay hirap angkinin sa panahon ngayon?

18 February, 2009

Pilapinas kong Mahal

Walang katapusang pagpila ang ating buhay.

Parang pila sa NFA rice noong summer ang linya ng mga tao sa Lotto ticket outlet kanina. Nang makita ko sa Bulgar na binabasa ng mamang may goodmorning towel na nakasabit sa batok, habang kagat-kagat ang dulo nito-- P239, 242, 111.20 ang naghihintay sa tamang kombinasyon ng numero. Kung di lang ako nagmamadali, siguro ay nakipila na rin ako at tinayaan ang birthday ng buong pamilya. Mga numerong lagi noong pinatatayaan ni mommy kahit na nasa Hong Kong siya.

Pag may taya si mommy noon, naka-abang kami sa channel 4 para sa kombinasyon. Pag wala, ayaw niyang mapapadaan sa channel 4 dahil ayaw niyang manghinayang kung sakaling ang aming mga birthday ang isuka ng makina. Maraming umaasa sa atin sa kaalwanang inihahatid ng mga bolang may bilang na binobola.

Sino ba namang ayaw makatikim ng ginhawa sa isang bansang bisyo na ang magtiis? Lalo pa ngayong uso ang walang trabaho, hindi na nakapagtataka kung sa lotto na humingi ng himala ang mga tao at balatuhan na lang ang Itim na Nazareno. Pero sa huli, naniniwala pa rin ako kay ate Gay: "Walang himala!"

Nakakangalay ang pagpila: pila sa jeep, pila sa poso, pila sa banyo, pila sa bigas,pila sa PGH,pila sa Wowowee at Eat Bulaga, pila sa lotto. Buti na lang nabawasan na, wala nang pila sa trabaho at pila sa pag-asenso.

17 February, 2009

Hurno

Nararamdaman ko na ang pagdating ng tag-araw.

Pulang pamaypay na kakulay ng blouse ng ale ang kakampay-kampay, photocopied readings na salit-salitang binabasa at ipinapampaypay ng estudyanteng katabi ko at ang mama sa aking harap sa bus na lumilikha ng hangin sa pamamagitan ng kanyang long folder-- hindi sapat ang ibinubuga ng aircon kaya't karamihan sa amin kanina ay kanya-kanyang diskarte upang saglit na makaramdam ng ginhawa.

Panahon na naman ng haluhalo. In-demand na naman si Mamang sorbetero. Abala na naman ang kabukiran. Marami na naman akong makikitang mga parang ninja na may damit na nakabalot sa ulo at may hawak-hawak na karit sa aking pag-uwi sa probinsiya. Naririnig ko na ang alon, nararamdaman ko na ang timbulan.

Iba ang tag-init na ito-- sabi sa diyaryong aking pinapamaypay, marami ang mawawalan ng trabaho. Muling mag-aral na lang daw ang magsisipagtapos ngayon.

Di lang kalikasan ang papaso sa atin. Iba ang paparating na summer.

16 February, 2009

ipasa pagkabasa

Mahigit dalwang oras ang aming nilakbay. Isang kulay abong van na nirentahan ng isang kaibigan ang naghatid sa'min sa isang coffee shop, ilang metro pagkalabas ng UP-Los Banos noong nakaraang linggo. Lima kami sa mahabang sasakyan. Lima kaming dadalo ng booklaunch ni T.S. Sungkit Jr. Lima kaming dumayo upang alamin ang "Batbat hi Udan."

Lima kami: si manong drayber, ang mag-e-emcee sa program na katabi ni manong sa unahan, ang dalwang kakanta at ako. Ako na tagapakinig at palakpak sa rehearsal ng mga kakanta habang naghihintay ng muling pag-usad ng aming sinasakyang kulay abong van. Ako na nag-iisip ng kung ano ang pwede kong maging role sa event na 'yon.

Hanggang sa magsalita ang awtor-- nalaman ko ang sagot sa pinakamalaking tanong na sa Maynila pa lang ay hinahapan ko na ng paliwanag: Ano ang ibig sabihin ng titulo? Anong drama ng pamagat na Batbat hi Udan?

Lagpas alas-otso na nang kami'y maglakbay pabalik ng maingay na lungsod. Pito na kaming lulan ng mahabang kulay abong sasakyan. Dalwang kaibigan na mula rin sa Maynila ang sumabay sa amin.

Sa biyahe pauwi, don ko pa lang na-realize ang aking pwedeng role sa event na 'yon: ikuwento ang Buhay ni Udan. Ipaalam na may isang matapang na manunulat na purong Higaonon ang hindi nangiming magkuwento ng buhay ni Udan at magsalita sa lenggwahe ni Udan. May isang dating miyembro ng student paper na sineryoso ang pagsusulat upang makapagpabatid ng kuwento mula sa rehiyon. Upang magkuwento gamit ang mayaman nating mga wika.

Bagama't ang panahong ito ay panahong walang panahong magbasa ang karamihan sa atin, o kung nagbabasa man ay Ingles ang hawak-- ang Batbat hi Udan ay isang testamento kung gaano kayaman ang ating panitikan.

Naghihintay lang ang mga kuwento ng ating lahi na maisulat, mabasa at maipasa.

15 February, 2009

Lungkot ng talulot

Sa labas ng simbahan, pasado alas-onse na kagabi ay marami pa ring timba ng rosas na naghihintay maialay.

Ilan kaya ang naghintay kahapon na makatanggap sa kanila? Marami kayang naghiwalay bago mag-fourteen kaya't patapos na ang araw kahapon ay nakababad pa rin ang mga rosas sa timba? Oh ito ba ay epekto rin ng financial crisis kaya kahit rosas ay di na maihandog? Saan na kaya pupulutin ang mga rosas na maghapong naghintay? Saan na kaya sila dadalhin ng tindero matapos ang maghapong pagbabakasakaling makapagpangiti?

Matamlay na ang kanilang pagkapula. Nangangalay na ang mga dahon. Nagsisimula nang mangulubot at mangitim ang dulo ng kanilang mga talulot. Pulang pumupusyaw. Yumuyukong talulot.

Kagabi, sabay na nalanta ang mga rosas at ang ngiti ng sa kanilay naghintay.

14 February, 2009

Kisspirin at Yakapsul

“Bakit kaya ang salitang payak na yakap ay simbigat ng pakay ng mga paang yapak sa pagyabag?” ang bago ko sanang drama na pinutol ng antok kagabi.

Ginising ako ng sunud-sunod na pagdating ng mensahe sa aking cellphone. Nagbi-blink na ang envelope sa upper left nang damputin ko ito.

Pebrero katorse, hardin ng mga rosas na naman ang lungsod. Mabenta na naman ang oso ng Blue Magic. Libu-libong dila na naman ang magbubuhol sa Roxas. Marami na naman ang magiging makata. Puno na naman ang mga restaurant at sinehan. Sabi ng mga manong na kasakay ko kagabi sa bus: lilindol na naman sa Sta. Mesa (ano kayang masasabi rito ng Phivolcs?).

Ang dami-daming kaganapan sa araw na ito, habang ako, tamad na tamad bumangon sa kutson at kuntentong nakadantay sa bilohabang unan na ibinigay ni mommy noong first year high school pa ako. Binabayo ng ubo ang aking dibdib. Sa bibig ako humihinga. Ayan, at least alam niyo na kung bakit hindi ako nakapasok. Kisspirin at yakapsul lang daw ang katapat nito, narinig ko don sa kaibigan ni mommy nong nagkukwentuhan sila tungkol sa pamangkin ng kausap ng nanay ko.

Nako-cornyhan talaga ako sa ganitong araw. “Loveless ka lang.” ang laging buwelta ng mga kaibigan. “Single is sexy” ang bagong banat ko sa ganong hirit. Buti na lang may napapanahong linya si Karyl. :-)

Ayokong maging kontrabida sa mga lovers, pero sa totoo lang, pakana lang naman ng Hallmark ang araw na ito.

Bakit kailangan pang manghiram ng tamis sa tsokolate? Bakit kailangan pang manghingi ng lambot sa oso? Bakit kailangan pang patingkarin ng rosas ang alab ng dibdib? Bakit 14, at bakit Pebrero kailangang magkaganito kung sapat na sapat na ang tapat na “mahal kita” araw-araw?

13 February, 2009

Pebrero at ang numerong labintatlo

Malas daw ang 13. Mas malas daw pag tumapat ito sa Biyernes.

Ang dami-daming kong kinalakhang pamahiin, sindami ata ng damit ni lola na hindi niya nagamit ni minsan dahil sa katatago niya rito sa tokador. 'Pag tinatanong ko naman noon ang mga nagsasabi nito ay lagi lang nila akong sinasagot ng "Basta, malas!"

Hindi nila maipaliwanag kung bakit malas ang 13 at anong kinalaman ng Biyernes dito at kung totoo rin ang suwerteng sinasabi ng mga manghuhula at feng shui experts. Basta, basta, basta naniniwala sila. Laging basta ang aking napapala sa pag-uusisa noong bata pa ako at 'pag nakulitan na sila, ito na ang automatic na linyang susunod: "Hindi ka ba talaga naniniwala sa amin? Bata ka pa kaya't hindi mo pa maiintindihan." Hanggang sa akin ngang pagtanda ay hindi ko naintindihan.

Walang paliwanag na nagpatotoo sa mga "malas" na sinabi nila. Noong nasa high school ako, B-13 ang number ko sa CAT, naging company commander ako at wala akong matandaang nangyaring masama sa akin. Kung nadapa man ako sa mga trainings noon, iyon ay dahil sadyang di ko lang kinayang tumalon ng mataas-taas sa hurdle o hindi ko natantiya ang aking bilis. Ang email ko sa yahoo ay may underscore 13, wala naman akong natatanggap na masama.

Hindi naman talaga totoo ang suwerte at malas. Drama lang 'to ng mga matatanda at mga nanakop sa atin upang takutin at hikayatin tayo. Kalabisan naman na maging ang mga numero at araw ay sinisisi natin. Kaya siguro ganon ko na lang nagustuhan si Nora Aunor sa Himala, dahil tumpak na tumpak ang kanyang linya: "Walang himala! Ang himala ay nasa puso ng tao, walang himala!"

Pebrero 13, bisperas ng araw ng mga puso, mag-isa ko na namang haharapin ang bukas, pero hinding-hindi ko sasabihing malas lang talaga ako. Hindi kamalasan kung bakit tayo mag-isa, nasasaktan, nagugutom o natatanggal sa trabaho, nabobokya sa exam, tanging kamot ang naisasagot sa recitation-- tayo ang nagpapasya sa ating buhay. Kung sa pag-ibig 'yan: ang pag-ibig ay pakikibaka, hindi pantasya.

Walang kinalaman ang araw at bilang. Ang bawat bagay ay pinagpapasyaha't ipinaglalaban.

12 February, 2009

Eclipse

Noong bata pa ako, ang eclipse ay signos ng delubyo. Laging sinasabi ni lola na sinasamantala raw ng mga kampon ng kadiliman ang pangyayaring ito (mapa solar o lunar), ang bahagyang pagdidilim upang maglabasan.

Sa matandang dalagang teacher ko sa elementary, na kapit-bahay namin noon sa Lucena, natutunan ang tungkol sa eclipse. Mas lalo ko pa itong naunawaan sa aking high school teacher na singkapal ng lumang basong tagayan ng alak ang salamin sa mata.

Ngayon, pag naririnig ko ang salitang eclipse, laluna sa buwang tulad nito, naririnig ko rin si Bonie Tyler.

06 February, 2009

Moneya

Araw-araw, para akong praning na nag-aabang sa maaaring maging paksa o pagmulan ng ikukuwento rito. 'Yung tipong makikipag-bargasan para malunok ang paralumang papatak mula sa puso ng saging. Maagang dumating ang paksa ngayong araw. Tulad noong mga nauna kong kuwento, sa biyahe ko ito napulot.

May apat na elementary teachers akong nakasakay palabas sa'ming lugar. Kanya-kayang kuwento sa kanilang karanasan sa kanilang mga estudyante. Napatigil ako sa pagbabasa ng isang student newspaper nang ikuwento ni ma'am na plantsadung-plantsado ang kulay avocado shake na uniporme ang estudyante niyang hirap pa rin sa pagbasa gayong nasa grade 3 na.

Bigla kong hinagilap sa aking memorya ang aking hitsura o kung paano ba ako noong nasa grade 3 ako sa Mauban, Quezon. Ano bang salita ang hindi ko mabasa noon nang tama? Baka pareho lang kami nong bata na ikinukuwento ni ma'am. Napraning na naman ako. Pero sa pagkakatanda ko, wala rin naman halos pinag-iba noon.

Pahihiramin lang kami ng ilang libro para sa ilang subjects. Nakuha ko na ang diskarte sa ganito noon pa man, kinakausap ko ang kaklase ko na malapit sa bahay namin na kunin niya ay Math at Hekasi at sa akin ang English at Pilipino para maghihiraman na lang kami. At doon naman sa mga ilang kanto pa ang layo mula sa amin ay sinasabihan namin na Science at 'yung wala kami ang kunin. Maaga naming natutunan ang salitang "barter."

Pilay ang mga upuan, light green na ang pisara dahil sa ka-eerase, pundido lagi ang bumbilya sa CR, maraming balde ang nakasahod sa loob pag-umuulan. Ganoon kami noon, ayon sa kuwento, mukhang ganito pa rin ngayon.

Bigla-biglang magkakaroon ng kurtina, plorera, bagong pinturang armchair at pisara at nangingintab ang sahig dahil sa Johnson Wax na kanya-kanya kaming dala. May teritoryo kaming dapat haplusan ng bitbit na floorwax at dapat bunutin para sa pagdating ng mga bisita. Ang galing, parang mga robot lang sa transformer na paborito namin noong magkakaklase.

Sabi ni ma'am na kasakay ko na kulay avocado shake ang plantsadung-plantsadong uniporme, dinadagdagan daw lagi ng kanyang estudyante ng patinig na "a" ang hulihan ng salitang money kaya't lagi nitong sinasabing Moneya. Mo-ne-ya. Moneya!

May moneya sa giyera, wala sa eskuwela. May moneya sa korupsyon, wala sa edukasyon. Buntong-hininga.

05 February, 2009

Puso! Puso, puso kayo dyan!

Nagbitin na naman sa kisame o nakadikit sa salamin o dingding ng mga fastfood chain at mga gusali ang kartolinang pula na hugis puso, anghel na naka-ambang mamana at mga pusong may puso pa sa loob at kaluob-looban ng puso.

Patung na patong na puso. Sapin-saping puso. Pebrero na naman, kaya bumubuhos ang puso-- literal na drawing ng puso na natutunan nating gawin noong elementary tayo na idinidikit sa malinis na bond paper na itinupi sa dalwa at ibibigay sa taong nais alayan nito na may nakasulat na: I (heart) you. At nilalagdaaan natin.

Maraming naganap at nagaganap sa buwang ito bukod sa pagbibigay ng rosas o chocolate-- Pebrero ginugunita ang People Power, Pebrero nagaganap ang tuition consultation ng mga paaralan, Pebrero ipinagdiriwang ang buwan ng sining. Napakaraming kaganapan sa pinaka-maiksing buwan sa kalendaryo.

Magmimisa na naman sa EDSA. Muling babalikan ang isang bahagi ng ating kasaysayan na nagpakilala sa atin sa buong daigdig. Buwan na naman ng nostalgia.

Samantala, abala ang NCCA para sa pagdiriwang ng buwan ng sining. Maraming aktibidad ang nakalista sa poster na nabasa ko. Ani ng sining ang drama-- may itinanim kaya't may aanihin. Pero saan kukuha ng aanihin sa pagdating ng panahon kung ang mga kabataan na siyang binhi ay itinutulak na ngayon palabas ng mga paaralan dahil sa nakaha-heart attack na tuition? Kung makapagtapos man, itinututulak kami palabas ng bansa upang maging alila. Wala nang aanihin sapagkat maagang natutuyo ang binhi.

Siguro kaya kulang-kulang ang araw ng Pebrero kumpara sa ibang mga buwan dahil ang Pebrero ay isang malaking kabalintunaan-- buwan ng puso: pusong papel, pusong lobo, pusong baso, pusong chocolate, pusong hikaw, at kung anu-ano pang puso na patuk na patok kung Pebrero.

Sana pwede ring ilako ang busilak na puso: Puso! Puso, puso kayo dyan! Pero hindi naman talaga pwede, kaya nga sa pelikula sa halip na puso, ehh suso ang inilako. Dahil sa kawalang-puso ng mga nasa kapangyarihan, di na lang suso ang inilalako ngayon, may presyo na rin ang dugo, bato at kung anu-ano pang pwedeng ikalakal na bahagi ng katawan.

Buti pa ang saging may puso, sabi sa txt message.