Pinagtagpi-tagping lata. Kalawangin, kulay berde, kulay pula. Tinabas batay sa lapad o habang pagkakabitan. May mga pabigat na lumang gulong ang pamandong ng mga pinagdikit-dikit ng pako na mga tabla. May mga posteng ang mga kable animo'y buhok na tinirintas. Ang tawag nila rito ay tahanan.
Hindi ito eksena sa indie films. Ito ang tanawin sa tulay na nagkakabit sa mga estasyong Recto at Doroteo Jose. Dahil sa sobrang dikit-dikit na ng mga kabahayan, ni hindi na napansin ng isa kong kaibigan na ang gusaling may mataas na pader at may mga barbed wire sa tuktok ay ang Manila City Jail.
Mahirap naman talagang mapansin ang hangganan. Mahirap naman talagang matukoy ang pagkakaiba. Kundi ko pa nakita noon ang mapa sa LRT 2, ay tiyak na iisipin ko rin na iyon ay bahagi rin ng mahabang latag ng yero.
Mula sa tulay, babatiin ka ng isang dalagang nagsusuklay sa bintana. Isang binata na nag-aahit ng balbas hawak-hawak ang salamin. Mga batang nagtatakbuhan sa yero habang maingat na hinihila-hila ang pisi ng kanilang saranggola. Mga kalapating naninirahan sa bubong. Mula sa tulay, tititigan ka ng Pilipinas.
Mahirap naman talagang isipin na naroroon ang bilangguan. Pare-pareho lang namang piitan ang ating ginagalawan.
24 February, 2009
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment