29 January, 2009

Almusal with Bob Marley

"Emancipate yourselves from mental slavery.
None but ourselves can free our minds..."

Tulad ng dati, nagsimula ang aking araw sa pagsasawsaw ng pandesal sa umuusok na kape. Sinundan ng dalwang sticks na Winston light. Eraserheads kahapon, si Bob Marley naman ang aking kasalo ngayong umaga habang nagpapalipat-lipat sa pahina ng Philippine Daily Inquirer.

Ang sabi sa balita, dadagdagan na raw ng isang taon ang kursong Nursing at mga kursong Liberal Arts at AB upang maitaas ang kalidad ng edukasyon. Napaso ako sa nabasa, sa halip na magkunot ng noo, natawa ako sa lohika ni CHED Chairman Angeles.

"Mr. Chairman, hibang lang po ang maniniwala na sa isang taon ay kayang i-angat ang kalunus-lunos na kalidad ng edukasyon sa bansa. At sa gitna ng krisis na sumasaklob sa santinakpan, Mr. Chairman, ang inyong pakana ay walang patutunguhan kundi pagtuligsa." Ang nasabi ko sa aking isip na magiging linya ko kay Mr. Angeles kung sakaling makita ko siya.

Ang isang taon ay hindi lang nangangahulugan ng dagdag na araw na ipapasok namin sa paaralan-- para sa kaalaman ni Mr. Chairman, upang makapunta po kami sa aming mga campus ay kinakailangan naming mamasahe. Dahil kaming mga estudyante ay tao rin lang, kinakailangang kumain. Hindi naman po tinatanggap sa canteen ang perfect o mataas na score sa exam o recitation, kaya kelangan pa rin namin ng pera. Tiyak, kakain po ng malaking espasyo ang iba pang pinagkakagastusan naming mga estudyante kaya't di ko na iisa-isahin pa, kabisado niyo 'yon. Para naman kayong hindi naging estudyante.

At siyempre dahil nga mga estudyante pa lang kami, umaasa pa rin kami sa aming mga magulang na hirap na hirap na sa paggawa ng himala kung paano pagkakasyahin ang kakarampot na suweldo. Meralco, Maynilad, PLDT, LPG, Rent, Galunggong, Baboy, Manok, Sardinas, Pancit Canton, Bigas, Allowance, Tuition, etcetera.

Etcetera na siyang dahilan ng pagdagsa ng wrinkles sa mga mukha ng aking mga magulang, ng karamihang magulang na nagpapa-aral sa kasalukuyan. Etcetera na nagpapataas sa blood pressure ng mga tatay at nanay sa buong bansa.

Hindi ba't maraming mga lider ng bansa ang produkto ng sistemang apat na taon sa kolehiyo? Kinokumbulsyon ang sistema ng edukasyon hindi dahil sa bilang ng taon na kailangang ipasok kundi dahil sa "Badyet" na inilalaan para sa pagkatuto ng mga tagapagmana ng Pilipinas.

Kuwento ng isang pari noon sa isang forum na nadaluhan ko, nang maka-usap daw niya ang Ambassador ng Cuba, nakuwento nito na ang mga kabataan daw sa kanila ay itinuturing na prinsipe at prinsesa. Ang tanging tungkulin ng mga estudyante sa Cuba ay mag-aral at magpakahusay.

Kung ito ay payabangan na naman ng kuwento, 'yung tipong wala kayo sa lolo ko, o 'yung si Juan ang pambato sa mga taga-ibang bayan, siguro ganito ang magiging hirit ng isang estudyanteng Pinoy: Wala kayo sa amin! Sa'ming school 'di mo na mapag-iba ang bintana sa pinto at di lang 'yan 'pag maji-jingle ka, masusuka ka muna bago ka maihi. At ang mga libro? Ka-birthday pa ng lolo ng lolo ko. At pag nagreklamo ka, di na teacher ang hahataw sa'yo, si mamang pulis na at pagkatapos ay may free paligo from manong bumbero.

Naputol ang aking mga iniisip na mga linyang sasabihin ko kay CHED chairman nang tumunog ang aking cellphone at may nagpa-alala na may activity kami sa araw na 'yon. Na-LSS ako kay Bob Marley kaya't buong hapon ko siyang ka-jam.

"Get up, Stand-up! Stand-up for your rights..."






26 January, 2009

Paano maging bata sa panahong tulad ngayon?

Lagi ko noong inaabangan sa black and white tv namin ang patalastas ng mga bata na isa-isang nagsasabi ng karapatan. "Karapatag makapag-aral. Karapatang magkaroon ng tirahan. Karapatang makapagpahayag..." Ginawang takdang-aralin pa nga namin ito noong nasa elementarya pa lang ako.

Nitong mga nagdaang araw, naging usap-usapan ang pagsuspinde sa mga estudyante ng Quezon City Science High School dahil daw sa isinulat nila sa kanilang blog laban sa mga hindi makatarungang polisiya at bayarin na ipinatupad sa kanilang paaralan.

Ay, kasalanan na pala ngayon ang kuwestyonin ang bigla-biglang paniningil ng P50 para sa notarial fee na dati namang wala at ayon sa DepEd ay hindi nararapat maningil ng miscellaneous fee. Ay, mali na pala na ngayon ang umangal 'pag di ka pinapasok sa paaralan dahil di mo inabutan ang batingaw. Paano pala kung may mabigat na dahilan at noong araw na 'yun ay saktong may exam? Ayayay!

Noong 2007, naging laman ng pahina ng mga pahayagan ang malungkot na kuwento ng batang babae mula sa Davao. Isang araw, nakita na lang kanyang mga kapamilya na may lubid na nakakwintas sa kanyang leeg at ang talampakan niya'y nakalutang sa hangin. Ayon sa kanyang sulat, ayaw niyang maging dagdag pasanin. Ay, labindalwang taon ng kahirapan. Ay, labindalwang taon ng pagtitiis ang naging buhay ni Marianette Amper. Sa hirap ng buhay, naiisip na ng isang labindalwang taon ang magpakamatay.

Marso ng parehong taon na 'yon, isang siyam na taong bata mula sa Campostela Valley ang inihatid ng bala ng militar sa habang-buhay na pagakabata. Bitbit daw ni Grecil Buya ang isang armas kaya't siya'y pinaputukan noong nagkataong may inkuwentro sa kanilang purok. Ay, paano matatanganan ng isang Grecil ang baril na halos sinlaki lang niya? Ay, paano magiging mandirigma ang isang Grecil na nag-aaral at mahusay na estudyante ayon sa kanyang guro? Ayayay!

Ay, walang edad-edad sa karahasan. Walang bata-bata sa mata ng isang di makataong pamahalaan.
Hindi na nakapagtataka kung bakit hindi na napapanood ang ganong patalastas ngayon.

Ang karapatan at kalayaan ay pawang mga salita lamang sa bokabularyo ng ating gobyerno.

25 January, 2009

Bahagharing Tungkod

"Bakit wala kang tungkod, eh di ba lola ka na? Sabi mo sumasakit na ang 'yong paa."

Nakangiting usisa ng batang lalaki na wala ang dalawang ngipin sa itaas sa kanyang lola nang may sumakay na isang lolo na may tangan-tangang kamagong na tungkod. Bumungisngis ang lahat ng pasahero ng jeep na sinasakyan ko patungong Quaipo sa narinig.

Walang anu-ano, umandar ang nostalgia sa aking katawan. Isa-isang sumakay sa biyahe ng aking alala sina lolo, lola at maging ng aking mga magulang, tiyo't tiya, mga kapatid, kaibigan at pamangkin-- at huminto sa aking sarili, ako bilang ako na biglang inapuhap ang bigat ng salitang matagal nang narinig at ginagamit-- "pagtanda."

Maluwag sa loob ko na mangungulubut at mangungulubot ang aking balat kahit ano pang cream o cleanser ang ipahid ko rito. Kaya nga siguro ganon na lang ang aking pagka-adik sa pagpapapiktyur para 'pag dumating ang araw na ito, may mababalikan ako upang alalahanin ang aking kabataan. Hindi ko pinangangambahan na isang araw sa 'pag harap ko sa salamin ay wala nang itim na hibla ng buhok sa aking ulo, hinding-hindi ako hihingi ng tulong sa tina-- sa totoo lang, ikatutuwa ko pa ito dahil sa wakas ay pareho na kami ni Richard Gere. Kung kailanganin ko nang humingi ng lakas sa tungkod, gagawin ko pero ang nais ko ay isang tungkod na kulay bahaghari.

Kung mayroon man akong kinatatakutan sa aking pagtanda-- iyon ay baka hanggang discount lang pa rin ang kabayaran sa aking pagkakuba at panghihina upang makapagbayad ng buwis at baka laging lugaw ang laman ng tiyan dahil baka sa panahon ng aking pagtanda ay mas masahol pa sa ngayon ang halaga ng pamumuhay ng mga ordinaryong tao.

'Pag baba ko sa Quaipo, mula malaking speaker na kulay itim sa harap ng Chowking ay malakas subalit malambing na kinakantahan ni Jason Mraz ang mga paroo't paritong mga tao na namimili ng DVD pagkatapos humiling sa Nazareno.

"Why are there so many, songs about rainbow?"

23 January, 2009

Crazy

Habang sinasalansan ang aking mga libro, isang cd ang iniluwa ng isa sa mga ito. Nang damputin at mabasa ko ang pamagat, para bang may dagan-dagang encyclopedia sa'king dibdib.

Heto na naman ang alala, nanggugulat at nang-aakit sa pag-eemote. Nang isinubo ko ang cd sa player, hindi ko nagawang magtawa sa mga eksenang halos gumambala 'non sa mga kapit-bahay. Hay, sabi ko na nga ba, mahirap makipagtitigan sa alaala. Mariin kong pinindot ang stop button at binalot ang cd at ipinahiram sa kaibigan. Para na naman akong timang. Saktung-sakto ang pamagat ng cd: C.R.A.Z.Y.

22 January, 2009

Paano ba Magkuwento?

Nagsasalimbayan ang mga kuwento sa aking utak. Lahat sila, nag-uunahan sa espasyong ito.

Kung dati ang aking pinuproblema ay paksa ng kuwento, ngayon-- paano ko ikukuwento ang napakaraming paksa na nakasama ko sa pagmartsa mula sa tapat ng UST patungong Quiapo, diretsong Mendiola. Paano ko ba bibigyang boses lahat ng aking nakausap kanina? Sumasabay sa blink ng cursor ang pagbuhos ng "paano." Na sinsundan ng buntong-hininga.

Buntong-hininga.

Nakikita ko pa rin ang humpak na mga mukha ng mga anak ng mga magsasaka. Naririnig ko pa rin ang kanilang kanta, para bang binhing ipununla sa aking tenga't agad umusbong at ang ugat ay nakahayon hanggang sa aking kaliwang dibdib. "Bata, bata, kami'y mga batang may karapatang maging malaya."

Buntong-hininga.

Nagagalit ang mga drayber ng jeep at pasahero dahil sa traffic habang natutuwa ang nagtitinda ng goodmorning towel at buko juice. Ang mga pulis ay handang-handa nang iwasiwas ang kanilang mga batuta.

Nakapangingilabot ang mga pananalita ng paggunita, pagpupugay at panunumpa ng pagpapatuloy ng laban hanggang ang lupa ay lumuluha, hangga't ang mga nagtatanim at gumagawa ay siyang kawawa.

Kahit pauulit-ulit na lumalabas sa bunganga ng trompa ang anunsyo kung bakit may rally,ang mamang may makintab na chapa sa dibdib at pakwan sa tiyan na katabi ko sa pagyoyosi kanina'y ito lang ang nasabi: "Laos na ang mga sinasabi niyo!" Nalalaos ba ang karapatan? Tanong na nanatili lamang sa aking isip at di na nakarating pa sa'king dila.

Bakit ko pa ba pinoprublema kung paano magkuwento eh wala na naman atang handang magbasa't makinig? Bakit ba pinag-iisipan ko pa ang dapat lamanin eh laos na rin naman ang aking sasabihin?


Dahil alam ko, marami pa rin ang nagnanais ng kuwento. Napakarami pa ring kuwento ang di isinisilang sa pahina. Pero paano nga ba magkuwento?

Wala naman talagang ibang sikreto ang pagsusulat kundi magsulat. Magsulat nang nakalapat sa lupa ang mga paa at nakasanib sa paligid ang dibdib.





21 January, 2009

Mendiola Masaker ang Pangalan ng Petsang Enero 22

Dalwampu't dalwang taon na ang nakararan, subalit humahalo pa rin sa hangin ang lansa ng dugong idinilig ng 13 magsasaka sa paanan ng Mendiola.

Hawak ang halos dalwa't kalahating ruler na sulo na may retaso ng basahang nagliliyab sa nguso, sinalubong namin ang mga nagpupunla ng ating isinasaing mula sa iba't ibang rehiyon. Habang kausap ko si tatay Delfin, manggagawang bukid mula sa Mindoro, binabagtas ng aking mga mata ang alon sa kanyang noo at mga guhit sa kanyang mukha na mistulang mapa ng mahabang taon ng pagbibilad at pagbubungkal.

Taun-taon, sa harap ng maingay at mausok na Elliptical road sa Q.C, sa tapat ng opisina ng Department of Agrarian Reform, tinatagpo namin si tatay Delfin upang makipagbalitaan at makipagkantahan sa gabi ng pagahahanda para sa paggunita sa kadakilaan ng 13 martir na magsasaka kinabukasan, Enero 22.

Hindi kailan man sasapat ang Comprehensive Agrarian Reform Program upang banlawan ang lansang kapit na kapit pa rin sa kinaluluhuran ni Don Chino Rocess. Lupa ang dahilan kung bakit noong Enero 22, 1987 ay lumuwas pa ang mga tulad ni tatay Delfin mula sa malalayong lugar, kung bakit hanggang ngayon ay panandalian nilang iniiwan ang bukid at tumutungo rito. Lupang ipinagkait at patuloy na ipinagkakait ang naging dahilan ng kamatayan ng 13 martir na magsasaka.

"Ang lupang diniligan at patuloy na dinidiligan ng dugo ay lupang mataba. Lupang mataba sa pag-aaklas. Lupang inuusbunga't pinamumungahan ng rebolusyon. Lupang bukas ay pag-aanihan ng 'tagumapay.'" Ang laging linya ni tatay Delfin sa ending ng kuwentuhan.

Singrami ng butil ng palay ang aking dahilan upang patuloy na samahan sa Mendiola sina tatay Delfin. Wala sa pagpipilian sa aking utak ang salitang "pagod," dahil silang buong buhay nila ay nakatali sa pagbubungkal ng lupang pinagdaramot sa kanila ay di napapagod upang patuloy tayong pakainin-- wala akong karapatan sa salitang pagod kung pagud at pagod rin lang ang pag-uusapan.

20 January, 2009

Alimuom

Hindi ako emo. Nalulungkot lang talaga ako sa tuwing umuulan.

Kanina, bago pa ako makaalis ng bahay-- dumating ang malalaking patak na kumatok sa'ming bubong at nagpaligo sa aspalto.


Ayaw kong nababasa ang paa ko. Ayaw kong lumulusong sa EspaƱa o tumutulay sa tablang iniatang sa lata na may bayad na barya. Ayaw kong naghihintay sa napaka-habang pila o nakikipagbalyahan sa ngalan ng upuan sa sasakyan. Ayaw ko pag umuulan, nagiging suplado si manong taxi at padyak driver. Ayaw kong nagbibitbit ng payong. Ayaw kong nababasa ang buhok kong halos 20 minuto kong inayos. Bumabaha ang "ayaw" sa aking utak sa tuwing umuulan.

'Pag umuulan, may naaalala ako na umiibig sa patak ng tubig na ito. Pag umuulan, tumutumal ang benta ng mga manininda. Pag umuulan, naaalala ko, kung pa'no kami nasugatan sa buga ng water canon.

'Pag umuulan, nag-aalimuom ang aking dibdib.

19 January, 2009

Kuwentong kanto, kuwentong tao

Nangangalahati pa lang ako sa binili kong inumin, naka-amba na agad sa plastic bottle ang mga madudungis na kamay ng mga batang namumulot ng maaaring ibenta sa junkshop.

Bahagi na sila ng nanlilimahid na kalsada ng Metro Manila, hindi sila umaabsent dito. Umulan man o umaaraw, ginagalugad nila ang lansangan, parang mga pusang naghahanap ng grasya sa kalawanging drum na nilalangaw o kung minsa'y may piging ng mga dagang sinlaki ng tuta.

Kilala ko na ang ilan sa kanila. Sa tuwing makikita ako ng limang taong gulang na si Lex sa may SM Centerpoint ay automatic na lumalahad ang palad nito, para bang may ipinatago sa akin o naniningil ng utang. Dalawa sila ng ate Leslie niya ang lagi kong binibigyan ng kung anumang meron ako. Kung minsan naman ay bumibili kami ng tinapay at uupo sa medyo malayo sa kalsada; sa ganito ko sila nakilala. Madaldal ang magakapatid, pati kuwento ng mga kapit-bahay nila kabisadung-kabisado. Nang tanungin ko sila noon kung anong gusto nila maging paglaki, ang dibdib ko'y parang plastic bottle na ginulungan ng G-liner.

"Gusto kong maging pulis." proud na proud na kuwento ni Lex, dahil bukod daw sa suweldo ay may kita pa sa tuwing makakahuli ng driver. Si Leslie naman, hangang-hanga sa kapit-bahay nila na magaling magsayaw na dati raw sa isang bar, ngayon ay halos di nila makilala noong umuwi galing Japan at may kasamang matanda na maraming kwintas na ginto. "Gusto ko ring makapangasawa ng Japanese o pwede rin ang Korean na kamukha ng mga artista sa tv."

Tulad ng gasgas na istorya-- kahirapan ang dahilan kung bakit ang maingay at mausok na kalye ang kanilang paaralan o kung minsan ay tahanang inuuwian ng kanilang pagal na katawan.

Ang lansangan ang kanilang paaralan, ang pagdarahop ang kanilang guro na walang pakialam kung masama man ang kanilang matutunan. Iisa lang ang kanilang pagsusulit: diskerte upang mabuhay. At ang kanilang prinsipal? Andon sa Malakanyang, abala sa pagbabadyet ng pondo para sa giyera. Nagkakandapaltus-paltos na ang paa kasasayaw ng Chacha. Andon sa Malakanyang, nagpaparami ng "Manok at Baboy" habang sina Lex at Leslie ay nakikipagpatentero sa disgrasya.

Habang karamihan sa atin ay parang mga zombie na katatrabaho.

18 January, 2009

Pagmumuni-muni sa LRT

Gustung-gusto kong sumakay ng LRT2 laluna kung araw ng Linggo. Sulit na sulit ang pamasahe: maeenjoy mo ang aircon nang nakaupo. Kung said na said na siguro ang hiya ko, baka humiga pa ako dahil konti lang tao at di naman nila ako kilala.

'Pag ganitong araw, sumasakay ako sa pinakadulo. Iniisa-isa ko ang mga tula na nakapaskil sa gilid sa itaas. Hindi na ako tinatalaban ng mga tingin ng mga usyusero sa tuwing ginagawa ko ito.

Parang bang kasalanan ang magbasa kung makatingin sila. Nang tingnan ko naman sila, parang gulat na gulat na may ganon pala sa taas. Hindi ko rin naman sila masisisi kung 'yon nga ang unang beses nilang mapansin na may dramang nagaganap sa loob ng LRT. Papansinin pa ba 'yon ng isang saleslady sa SM na pagud na pagod sa maghapong pangungumbinsi sa mga nagwiwindow shopping? Mapupuna pa ba 'yon ng isang call center agent na namomroblema sa quota? Laluna naman siguro talagang hindi na 'yon makikita ng isang ama o ina na parang manok na tutuka-tuka sa pagod.

Nang makaupo ako, biglang naala ko naman ang isang eksena sa pelikulang Rent. 'Yung buong giliw na sumayaw si Angel at Collins sa tren habang kumakanta ng "Let's open up a restaurant in Santa Fe..." Parang factory ng mga alaala o eksena ang aking utak sa mga pagkakataong tulad nito. Pero agad din naman akong nakababalik sa realidad 'pag bukas na 'pag bukas ng pinto ng tren laluna 'pag tumambad na sa akin ang mga "patok" na jeep na nagmamadali sa Aurora Blvd.-- Pinoy ako at nasa Pinas ako.

Pinoy ako at nasa Pinas ako, pero ang labis kong pinagtataka, bakit mas nauunang sabihing "Next station" o "Approching" kesa sa "Ang susunod na estasyon" o "Paparating na."








17 January, 2009

Youtube baby

“Hoy Moy Moy Palaboy!"

Ang status na nakasulat sa ibaba ng pangalan ng pinsan kong grade 6 nang magpang-abot kami sa YM noong isang araw.

"Hindi mo alam 'yon? Hindi mo sila kilala ehh sikat na sikat sila youtube." Ang sagot niya nang usisain ko ang drama ng kanyang status. Pinadalhan pa niya ako ng mga smileys: mula sa simpleng ngiti, naka-steady na tumatawa hanggang sa nakadapa na akala mo ay mamatay na sa pagtawa. Pakiramdam ko tuloy, nabubuhay kami sa magkaibang panahon: siya sa ngayon, ako sa kahapon. Siymepre hindi naman ako papayag don.

Hindi naman talaga ako teki, pero di rin naman ako backward, hindi ko lang talaga gustong magkalikut nang magkalikot sa mga kung anu-ano sa harap ng monitor. Bukod sa madali kong sukuan ang radiation, wala kaming internet connection sa bahay kaya siguro ganon.hehe

Nang tanungin ko siya kung anong pinag-aaralan nila ngayon, hindi ko alam kung ano bang dapat kong sabihin sa reply n'ya: "Hindi ko tanda. lol."

Naputol ang usapan namin nang biglang nagdilim ang monitor, tapos na ang oras na aking binayaran. Punung-puno pa rin ng mga estudyante ang computer shop nang umalis ako bandang alas-onse noong Miyerkules. Ang titig nila sa monitor ay para bang nagsasabi na “Do not disturb.” Parang ang dalwang bata sa aking kaliwa’t kanan.

Malakas na kumakanta ng “If I were a boy” ang nasa kanan. Naging kasapi na ata nina Naruto ang nasa kaliwa, na kabisadung-kabisado na ang ritwal at kumpas ng kanilang kapangyarihan.






16 January, 2009

Pretzel Drama

Wala pa akong nakikilala na ayaw ng Pretzel.

Hindi ko na maalala kung kelan ako unang binilhan nina mommy at daddy nito, basta ang alam ko, hindi pa ako nag-aaral nang maadik ako dito. Kaya hindi na rin nakagugulat kung magtawa ka 'pag nakita mo ang picture ko noong bata pa ako-- isang hilera ng itim na ngipin ang bumabati sa tuwing ako'y ngingiti o tatawa; parang bakod lang na gawa sa pretzel.

Pretzel ang nagpapatigil dati sa aking pag-iyak. Pretzel din noon ang nakapipilit sa aking gawin ang isang utos na ayaw na ayaw ko. Sa tuwing malungkot ako, naglilihi akong makakita ng kahon nito at tingnan sina Jack at Jill na mga weirdo habang isa-isang binabali ng aking mga ngipin ang mga tsokolateng bakod.

Sabi sa akin ng wiki, ang pretzel daw ay nagsimula sa Europa nuong-noon pa. Pinakitaan din ako nito ng hugis ng Pretzel: may hugis bakod at may parang buhol na may tatlong butas sa loob na korteng puso. At ang chika pa ng wiki, isa raw Italian monk ang nagpasimula nito bilang gantimpala sa mga batang natututong magdasal. Nabasa kaya ito ng aking mga magulang kaya't kinasangkapan din nila ang Pretzel?

Kanina, habang nag-eemote at kumakain ng Pretzel habang sa bawat stick na isusubo ay salit-salit-salitang sinasabi kong: Mahal niya ako, hindi niya kayang hindi ako mahalin. Para lang akong sina Jack at Jill kanina-- weird.

May batang kumalabit sa akin, hinihingi ang aking kinakain. Ito ang ayaw na ayaw kong sitwasyon, hindi naman talaga ako madamot pero ibang usapan 'pag Pretzel. Ang ending, ibingay ko pa rin. "Mahal niya ako" ang huling tsokolateng bakod na dinurog ng aking mga ngipin.

Masayang-masaya ang bata. Habang ako, parang ewan lang na nagdadrama sa isang bagay na walang-wala sa pinoproblema niya; ni wala sa kalingkingan ng marami pa nating mga kababayan na di malaman kung saan hahagilapin ang panghapunan.

15 January, 2009

Buwan! Buwan!

Noong bata pa ako, lagi kong tinatanong si mommy kung anong sinasabi ng batang babae sa buwan na naka-drawing sa carpet, at itinamtaks sa dingding naming plywood sa salas. Mas ito pa ang concern ko noon kesa kung bakit hindi sa sahig inilatag ang carpet.
Tula ang laging isinasagot noon ni mommy. Tuwing gabi bago ako matulog, tumatayo ako sa harapan ng carpet at kinakausap din ang buwan. Mas naging malapit kami ng batang babae sa isa't isa noong mangibang-bansa si mommy. Sinasabi ko rin sa buwan ang kanyang sinasabi na ayon kay mommy. Sabay naming kinakausap ang buwan. Dala na rin ng lumbay, natutunan kong baguhin ang mga hiling sa buwan. Natutunan kong palitan ang linya batay sa pangangailangan.
Kanina, muli kaming nagkita ng batang babae sa Avenida. Sa bawat hagod ng mama sa gilid ng kalsada ay isinisilang siya. Hagod. Sampay. Hagod. Sampay ng kalendaryong tela. Huminto ako at muli kaming tumula.
Buwan! Buwan!
Hulugan mo ako ng sundang.
Aanhin mo ang sundang?
Ipuputol ko ng kawayan.
Aanhin mo ang kawayan?
Gagawin kong munting kulungan.
Aanhin mo ang munting kulungan?
Pagkatapos ng halalan
doon titira ang Ginang
sa MalacaƱang.

14 January, 2009

Kung Paano Dinevastate ng Hopia ang Majority sa Atin

Hopiang mongo, ube, baboy at kung meron pa mang ibang uri ng hopia na nag-eexist, basta hopia, solve na ako!

Sa totoo lang, hindi ko pa rin nababasa hanggang ngayon ang nobelang pinanggalingan ng titulo ng entry na ito. Bukod sa wala pa akong pera, ehh wala pa talaga akong pera. May magpapahiram sana sa akin, pero bago pa man mangyari 'yon-- dinevastate na ako ng kanyang pag-ibig-- nawalan ka na nga ng libro, nawalan ka pa ng puso.

Bilang bahagi ng paglimot (naks!), nag-DVD hunting ako sa Quiapo nito lamang. Sa totoo lang, hindi naman paglimot ang naganap, kundi pagbabalik. Pinuntahan ko ang puwesto na binilhan niya ng DVD. Upang kumpletuhin ang drama, bumili rin ako ng mga pelikulang iniuwi niya sa kanyang mama.

Parisukat na hopiang mongo, bilog na hopiang ube at hopiang baboy na parang protractor na ginagamit ko noon sa geometry ang binaon ko pauwi para sa panonood. Mas malasa pala ang hopia 'pag mag-isa ka lang kumakain laluna't sinasabayan ka ni Ploning sa pag-eemote.

Pag-ibig daw ang una't huling paksa ng makata. Pag-ibig daw ang dahilan ng ating paghinga. Sandamakmak ang drama ng mga tao sa salitang pag-ibig; kahit ikaw, may sarili kang moda sa kung ano ba ang pag-ibig.

Basta sa'kin, ang pag-ibig ay hopia. Sinong bang hindi hopia 'pag usapang puso na ang paksa? Aber?


Pagkatapos ng DVD marathon, bago pa man ako ihatid ng aking kutson at mahabang unan sa daigdig ng panaginip, may drama pang idinura ang aking hapung-hapong haypothalamus:

"Nakakumot sa'kin ngayon ang
pulang sarong na ginamit mo.
Hindi ko ito lalabhan. Hinding-hindi.
Dahil wala nang lalambot pa sa balabal na binahayan
ng amoy at init ng 'yong katawan at tuluyang
sumanib

sa nagdurugong tela. Walang sinabi maging ang
Downy."

*pasintabi kay G. Ricky Lee
Sa gay lingo, ang ibig sabihin ng hopia ay ang pagiging "hoping" na kadalasan ay may kinalaman sa pag-ibig.

13 January, 2009

Kuwentong kwek-kwek

Sa Teresa, Sta. Mesa, malayo ang nararating ng trenta pesos sa'king bituka.

Kanina, nang wala akong mahanap na maaring iluto sa ref, pumunta ako sa Teresa. Food trip ang moda sa Teresa. Tusok, sawsaw,subo ng kwek-kwek, sawsaw sa suka ng piniritong isaw at calamares. Hindi mahahalata na wala akong masyadong pera kung pagnguya ko ang pagbabatayan.

Bahagi na ng aking buhay sa Maynila ang kalyeng ito. Sa ilang taon kong pagfufoodtrip dito, kanina lang ako na-badtrip. May mga pulis na ang tiyan ay parang binundat ng kwek-kwek at may mga kasamang mga mama na lumapit sa tindahang kinatatayuan ko. Nagsasawsaw ako noon nang marinig ko nang sinabi nang isang mama sa Ale na dapat pagpatak ng ala-singko ng hapon ay matanggal na ang tindahan sa gilid ng kalsada.

Nag-init bigla ang aking bunganga. Alam ko, hindi dahil sa sili na aking nakagat. Hindi ko napigilan ang liyab ng aking dila at nasabing: andon sa Malacanang ang dapat niyong hulihin. Don niyo puntahan ang kriminal na nagnakaw hindi lang ng "Manok" kundi pati ng ating "Baboy!"

Tinitigan lang ako ng mamang pigil na pigil sa pagputak.

12 January, 2009

Ga(ha)za

Ilang araw na ring bumabaha sa aking mga email adresses at facebook account ang mga petisyon na nananawagan sa pagtigil ng giyera sa pagitan ng Hamas at mga kawal ng Israel.

Nitong mga nagdaang araw, laman ng mga pahayagang nakalatag sa mga nadaanan kong bangketa ang larawan ng mga biktima ng bomba ng Israel. Sandamakmak na ang aking naprint at nabuklat na libro upang taluntunin ang kasaysayan ng kanilang alitan: mula Bibliya patungong isyu ng politika at ekonomiya.

Sinundan ako ng mga batang nasa dyaryo hanggang sa aking panaginip. Kumakatas ang dugo sa kanilang nabutas na bungo, may isang nagpatulong sa aking hanapin ang kanyang kanang braso at marami pang eksenang nakapanlulumo na nananahan pa rin sa aking memorya. Ganito ako 'pag sobrang apektado sa aking nakita.

Sa aking pagbabasa, unti-unti kong nakita ang papel ng Estados Unidos sa naturang giyera. Sa ngalan ng langis, naging libingan ang Gaza.

Alam ko, maliit na bagay lang ang aking pirma. Kaya nga 'pag nagkaroon ng pagkakataon na makaharap ko ang mga naghatid sa mga bata sa'king panaginip sa habambuhay na pagkabata-- pulang sapatos ni Ronald McDonald's ang tatama sa kanilang mukha.

11 January, 2009

Imbitasyon kay GMA

Sa kape nag-uumpisa ang aking araw.

Hindi kumpleto ang araw ko 'pag hindi naaamoy ang aroma. Minsan may pandesal na naliligo sa'king tasa, pero madalas ay yosi ang partner ng aking agahan. Hithit. Buga. Higop habang nakatanaw sa bubungan ng aming mga kapit-bahay mula sa tore (tawag namin sa aming bahay na nasa rooftop).

Mahigit dalwang taon nang bahagi ng aking almusal ang mga kalawanging latang pumapandong sa mga kabahayan, at ang ilog na kakulay ng aking kapeng barako na nasa kaliwa. Libre dito ang balita. Palagi akong sinasaluhan ng radyo ni lolo sa katapat naming gusali. Minsan nasa radyo ang taga-pagsalita ng Pangulo ng bansa at nagmamalaki na hindi raw naman tayo maapektuhan ng krisis na tumama kay Uncle Sam. Sa parehong estasyon ko rin narinig noon ang mismong Pangulo na nagmamalaki sa patuloy na tumatatag na ekonomiya.

Habang nagsasalitan ang Winston light at tasa ng kape sa pagdampi sa'king labi, at nakikinig sa MP4-- ang Makati, na imperyo ng ilaw, ang kaulayaw ng aking mga mata kung gabi. Ilan kayang mga kaklase ko o kakilala ng mga kakilala ko ang nasa malamig na mga opisina ng Makati sa mga sandaling iyon at paulit-ulit na nagsasabing, "How I may help you?" Sa tuwing titingala naman ako sa langit, bukod sa bitwin, kislap ng ilaw ng mga eroplanong palabas ng bansa ang aking nakikita.

Matagal ko nang gustong imbitahin ang Pangulo sa aming munting tore upang magkape. Masarap magkape sa tore. Sa umaga, makikita mo ang mga bahay na giniba, mga basurang naglutang sa ilog at may mga batang namamangka upang mangalakal (pangangalap ng mga basurang maaaring ibenta sa junkshop), mga bubong na may pabigat na gulong. Sa gabi, babatiin ka ng Makati, ang lungsod na uso ang eyebags at ng mga kababayan nating inihahatid ng eroplano upang maging alipin sa iba't ibang panig ng daigdig.

Alam ko namang pagod lagi si Gng. Arroyo upag isalba ang kanyang inangking trono, kaya nga nais ko siyang imbitahang magpahinga rito sa tore kahit isang araw lang. Ipagtitimpla ko siya ng pinakamasarap na kapeng barako upang kabahan naman siya sa pagsasabing: "Ramdam ang Kaunlaran."

Kung sakaling mabasa ito ng Pangulo at interesado siyang pumunta: Pakisuyo, magdala ka ng tinapay, mahal na kasi ang pandesal sa bakery. Kung sa tore ka naman manananghalian at maghahapunan, magbaon ka na lang kasi wala pa kaming pambili ng bigas at ulam. Isa pa, mahirap din magluto sa bahay kasi uling na ulit ang aming ginagamit. Sana makapunta ka.

:-)


10 January, 2009

Chillax

Minsan may isa o dalwa lang, pero madalas ay walang natutupad sa aking new year's reso. Ayoko nang maghanay ng kung anu-ano dahil mas napepressure lang ako at nakakasawang magrecycle ng mga gusto kong mangyari sa buhay. Nakapapagod mag-isip nang mag-isip ng diskarte o dapat gawin na kungminsan kahit alam ko na ang dapat gawin ay nagkakamali pa dahil sa masyadong pagmomoda.

Chillax lang Kabi, Chillax.

07 January, 2009

Mga Paglalakbay sa Huling Araw ng 2008

Lucena tungong Gumaca

6:00am, nagtxt ako kay mommy para ipaalam na sasabay ako dahil wala na akong pamasahe. Hindi na ako naligo dahil malapit na siya sa terminal at kailangan ko na agad pumunta doon. Mahalaga ang bawat oras sa mga sandaling iyon dahil kailangan naming magbiyahe papuntang Sampaloc, mga limang oras na paglalakbay mula sa Gumaca. Ikalwang kaarawan noon ng aking pamangkin na si Bughaw, isang mahalagang araw sa amin kaya't walang layo ang di lalakbayin, makantahan lang siya sa kanyang kaarawan. Mahigit isang taon ko nang hindi nakikita si Bughaw, kaya naman sa tuwing kakalungin ko siya noon ay wala pang isang minuto ay gusto na agad kumawala. Mabilis na siyang tumakbo, marami na ring paboritong palabas, at agad sumasayaw 'pag narinig ang "Papaya Song." Alas-tres ng hapon, kahit hindi pa naman talaga oras upang sintensyahan ang mga pagkain sa hapag-- hinatulan namin ang spaghetti, hotdog na may marshmallow sa dulo ng stick na nakatusok sa repolyo, lumpiang shanghai, fried chicken at marami pa upang hindi maiwanan ng last trip ng jeep sa Lucban patungong Sampaloc. Ayaw kong umupo 'pag busog pero mas ayaw ko namang tumayo sa gitna ng bus gayong marami namang upuang naghihintay lang okupahan.

Gumaca tungong Lucena

Ordinary bus ang aming nasakyan pabalik ng Lucena. Sa totoo lang, mas ok ito kesa sa aircon na bus na sinakyan namin pa-Gumaca. Sa labas ng bintana sa aking kanan, emote na emote ang dagat, o baka naman ako talaga ang emote na emote nong mga sandaling iyon. Tulog ang karamihan sa pasahero. Upang mapigilan ang aking bisyo na tumitig sa mga mukhang tulog, minabuti kong sa dagat na lamang makipagtitigan. Sa mga moment na ganito, lagi kong tinutula ang Ode to the Sea ni Pablo Neruda. At nang magsawa na ako sa katutula, itonodo ko ang volume ng MP4 at pinaulit-ulit ang "Almost Lover" ng A Fine Frenzy. Gusto ko noong biglang bumababa at mag-ala Padre Florentino sa El Fili upang itapon sa dagat ang lahat ng bagahe sa'king dibdib. Buti na lang at di ko ginawa, kung hindi baka iwan lang talag ako nina mommy at hindi na talaga ako makaalis doon dahil nga wala naman akong kapera-pera. Mag-aalasingko na nang marating namin ang terminal ng jeep patungong Lucban. Naghilamos muna ako bago muling sumakay dahil ayaw ko namang magbiyahe na may nanuyong asin sa pisngi. Buntong-hininga.

Lucena tungong Lucban

Walang espasyo ng upuan ng mahabang jeep ang hindi mainit. Sa estribo, may tablang inilagay ang kundoktor at may tatlo pang umupo doon. Ang aking pagkaka-upo ay sapat na sapat lang sa aking bayad. Kahit hindi Disyembre, malamig ang hangin patungong Lucban. Palamig nang palamig ang hangin habang papalapit kami sa maliit na bayan na dinarayo kung Mayo dahil sa makulay na Pahiyas Festival. Hindi sapat ang aking sweater na suot upang protektahan ang aking katawan sa lamig. Pero wala naman talagang magagawa ang sweater, maginaw ang paligid, malamig ang aking dibdib-- redundant na pakiramdam. Mag-aalasais na nang marating namin ang palengke ng Lucban. Kampanteng-kampante lang kami dahil ala-siyete pa naman ang last trip. Naghanap agad ako ng pancit habhab. Nilibot namin ang palengke para rito, pero lalo lang akong naglaway nang mabigo kaming makakita. Nataranata kami nang biglang sabihin ng kunduktor ng jeep pa-Sampaloc na 'yon na raw ang huling biyahe. Wala nang gustong magbiyahe dahil ilang oras na lang ay kailangan nang magsabit ng bagong kalendaryo. Iyon ang huling biyahe dahil ang mga tsuper ay abala na raw sa pagmamaneho ng basong may lambanog.

Lucban tungong Sampaloc

Sa biyaheng ito, lahat ng pwedeng maupuan ay inupuan. Dahil marami pa ang mas higit na nangangailangan ng upuan, kahit ang tabla sa estribo, ay aking pinaubaya. Nag-aalala noon ang mga kapwa ko sabit dahil mukhang hindi raw ako sanay sumabit. Kung alam lang nila, ilang beses na akong sumabit sa Maynila dahil: walang pamasahe, rush hour, walang pamasahe, rush hour at walang pamasahe. Pero kakaiba ang pagsabit na ito, bukod sa walang traffic at di mausok at walang businang nagpapalakasan at nagpapahabaan-- dire-diretso ang biyahe sa madilim na kalsada habang sinasalo ng aking mukha ang napakalamig na tubig-ulan. Habang nagbibiyahe, kinakausap ako ng isang mama na nasa bubong, siguro ay natatakot siya na baka makatulog ako kaya't nakipagkwentuhan. Parang pelikula ang moda ng tagpong iyon, ako nakasabit at nakatingala sa kanya, siya naman ay nakaupo sa bubong at nakatungo sa akin. Makuwento si Manong, nagtatanim daw siya sa may paanan ng bundok Banahaw ng mga gulay. Gusto kong biglang mainis nang ipagmalaki niya na magaganda raw ang kanilang pananim na ampalaya. Sa dinami-dami ba naman ng gulay sa kantang bahay-kubo, eh bakit kung alin pa ang wala sa kantang 'yon ay ang siya ko pang maririnig. Hindi ko naman masabing sawa na ako sa amplaya baka kasi hindi na niya ako pagtiyagaang kausapin. Halos mahigit kalahating oras din akong nakasabit. Pasado ala-siyete na nang makarating kami sa Sampaloc. Matapos ang dalwang stick ng Winston Lights (na ang cheka ay mawawala na raw) ay naligo ako upang hindi lagnatin. Matapos ang hapunan, inayos ko na aking higaan. Ikinabit ang kulambo dahil ayaw kong maging hamon para sa mga lamok. Nahiga na rin ang aking kapatid. Bago pa man magsanib ang mga kamay ng orasan upang tawagin ang taong 2009 at mangamoy pulbura ang paligid, nauna nang sumabog ang aking hilik.

Sopas ang una kong hinanap sa aking paggising. Masarap humigop ng sabaw na may gatas. Sabi ni lola noon, mainam daw ang sabaw sa katawang nalamigan. Sana sabaw din ang sagot sa pusong giniginaw.