Wala pa akong nakikilala na ayaw ng Pretzel.
Hindi ko na maalala kung kelan ako unang binilhan nina mommy at daddy nito, basta ang alam ko, hindi pa ako nag-aaral nang maadik ako dito. Kaya hindi na rin nakagugulat kung magtawa ka 'pag nakita mo ang picture ko noong bata pa ako-- isang hilera ng itim na ngipin ang bumabati sa tuwing ako'y ngingiti o tatawa; parang bakod lang na gawa sa pretzel.
Pretzel ang nagpapatigil dati sa aking pag-iyak. Pretzel din noon ang nakapipilit sa aking gawin ang isang utos na ayaw na ayaw ko. Sa tuwing malungkot ako, naglilihi akong makakita ng kahon nito at tingnan sina Jack at Jill na mga weirdo habang isa-isang binabali ng aking mga ngipin ang mga tsokolateng bakod.
Sabi sa akin ng wiki, ang pretzel daw ay nagsimula sa Europa nuong-noon pa. Pinakitaan din ako nito ng hugis ng Pretzel: may hugis bakod at may parang buhol na may tatlong butas sa loob na korteng puso. At ang chika pa ng wiki, isa raw Italian monk ang nagpasimula nito bilang gantimpala sa mga batang natututong magdasal. Nabasa kaya ito ng aking mga magulang kaya't kinasangkapan din nila ang Pretzel?
Kanina, habang nag-eemote at kumakain ng Pretzel habang sa bawat stick na isusubo ay salit-salit-salitang sinasabi kong: Mahal niya ako, hindi niya kayang hindi ako mahalin. Para lang akong sina Jack at Jill kanina-- weird.
May batang kumalabit sa akin, hinihingi ang aking kinakain. Ito ang ayaw na ayaw kong sitwasyon, hindi naman talaga ako madamot pero ibang usapan 'pag Pretzel. Ang ending, ibingay ko pa rin. "Mahal niya ako" ang huling tsokolateng bakod na dinurog ng aking mga ngipin.
Masayang-masaya ang bata. Habang ako, parang ewan lang na nagdadrama sa isang bagay na walang-wala sa pinoproblema niya; ni wala sa kalingkingan ng marami pa nating mga kababayan na di malaman kung saan hahagilapin ang panghapunan.
16 January, 2009
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment