Nagsasalimbayan ang mga kuwento sa aking utak. Lahat sila, nag-uunahan sa espasyong ito.
Kung dati ang aking pinuproblema ay paksa ng kuwento, ngayon-- paano ko ikukuwento ang napakaraming paksa na nakasama ko sa pagmartsa mula sa tapat ng UST patungong Quiapo, diretsong Mendiola. Paano ko ba bibigyang boses lahat ng aking nakausap kanina? Sumasabay sa blink ng cursor ang pagbuhos ng "paano." Na sinsundan ng buntong-hininga.
Buntong-hininga.
Nakikita ko pa rin ang humpak na mga mukha ng mga anak ng mga magsasaka. Naririnig ko pa rin ang kanilang kanta, para bang binhing ipununla sa aking tenga't agad umusbong at ang ugat ay nakahayon hanggang sa aking kaliwang dibdib. "Bata, bata, kami'y mga batang may karapatang maging malaya."
Buntong-hininga.
Nagagalit ang mga drayber ng jeep at pasahero dahil sa traffic habang natutuwa ang nagtitinda ng goodmorning towel at buko juice. Ang mga pulis ay handang-handa nang iwasiwas ang kanilang mga batuta.
Nakapangingilabot ang mga pananalita ng paggunita, pagpupugay at panunumpa ng pagpapatuloy ng laban hanggang ang lupa ay lumuluha, hangga't ang mga nagtatanim at gumagawa ay siyang kawawa.
Kahit pauulit-ulit na lumalabas sa bunganga ng trompa ang anunsyo kung bakit may rally,ang mamang may makintab na chapa sa dibdib at pakwan sa tiyan na katabi ko sa pagyoyosi kanina'y ito lang ang nasabi: "Laos na ang mga sinasabi niyo!" Nalalaos ba ang karapatan? Tanong na nanatili lamang sa aking isip at di na nakarating pa sa'king dila.
Bakit ko pa ba pinoprublema kung paano magkuwento eh wala na naman atang handang magbasa't makinig? Bakit ba pinag-iisipan ko pa ang dapat lamanin eh laos na rin naman ang aking sasabihin?
Dahil alam ko, marami pa rin ang nagnanais ng kuwento. Napakarami pa ring kuwento ang di isinisilang sa pahina. Pero paano nga ba magkuwento?
Wala naman talagang ibang sikreto ang pagsusulat kundi magsulat. Magsulat nang nakalapat sa lupa ang mga paa at nakasanib sa paligid ang dibdib.
22 January, 2009
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
1 comment:
ang sarap naman sa mata nito. :)
Post a Comment