21 January, 2009

Mendiola Masaker ang Pangalan ng Petsang Enero 22

Dalwampu't dalwang taon na ang nakararan, subalit humahalo pa rin sa hangin ang lansa ng dugong idinilig ng 13 magsasaka sa paanan ng Mendiola.

Hawak ang halos dalwa't kalahating ruler na sulo na may retaso ng basahang nagliliyab sa nguso, sinalubong namin ang mga nagpupunla ng ating isinasaing mula sa iba't ibang rehiyon. Habang kausap ko si tatay Delfin, manggagawang bukid mula sa Mindoro, binabagtas ng aking mga mata ang alon sa kanyang noo at mga guhit sa kanyang mukha na mistulang mapa ng mahabang taon ng pagbibilad at pagbubungkal.

Taun-taon, sa harap ng maingay at mausok na Elliptical road sa Q.C, sa tapat ng opisina ng Department of Agrarian Reform, tinatagpo namin si tatay Delfin upang makipagbalitaan at makipagkantahan sa gabi ng pagahahanda para sa paggunita sa kadakilaan ng 13 martir na magsasaka kinabukasan, Enero 22.

Hindi kailan man sasapat ang Comprehensive Agrarian Reform Program upang banlawan ang lansang kapit na kapit pa rin sa kinaluluhuran ni Don Chino Rocess. Lupa ang dahilan kung bakit noong Enero 22, 1987 ay lumuwas pa ang mga tulad ni tatay Delfin mula sa malalayong lugar, kung bakit hanggang ngayon ay panandalian nilang iniiwan ang bukid at tumutungo rito. Lupang ipinagkait at patuloy na ipinagkakait ang naging dahilan ng kamatayan ng 13 martir na magsasaka.

"Ang lupang diniligan at patuloy na dinidiligan ng dugo ay lupang mataba. Lupang mataba sa pag-aaklas. Lupang inuusbunga't pinamumungahan ng rebolusyon. Lupang bukas ay pag-aanihan ng 'tagumapay.'" Ang laging linya ni tatay Delfin sa ending ng kuwentuhan.

Singrami ng butil ng palay ang aking dahilan upang patuloy na samahan sa Mendiola sina tatay Delfin. Wala sa pagpipilian sa aking utak ang salitang "pagod," dahil silang buong buhay nila ay nakatali sa pagbubungkal ng lupang pinagdaramot sa kanila ay di napapagod upang patuloy tayong pakainin-- wala akong karapatan sa salitang pagod kung pagud at pagod rin lang ang pag-uusapan.

No comments: