11 January, 2009

Imbitasyon kay GMA

Sa kape nag-uumpisa ang aking araw.

Hindi kumpleto ang araw ko 'pag hindi naaamoy ang aroma. Minsan may pandesal na naliligo sa'king tasa, pero madalas ay yosi ang partner ng aking agahan. Hithit. Buga. Higop habang nakatanaw sa bubungan ng aming mga kapit-bahay mula sa tore (tawag namin sa aming bahay na nasa rooftop).

Mahigit dalwang taon nang bahagi ng aking almusal ang mga kalawanging latang pumapandong sa mga kabahayan, at ang ilog na kakulay ng aking kapeng barako na nasa kaliwa. Libre dito ang balita. Palagi akong sinasaluhan ng radyo ni lolo sa katapat naming gusali. Minsan nasa radyo ang taga-pagsalita ng Pangulo ng bansa at nagmamalaki na hindi raw naman tayo maapektuhan ng krisis na tumama kay Uncle Sam. Sa parehong estasyon ko rin narinig noon ang mismong Pangulo na nagmamalaki sa patuloy na tumatatag na ekonomiya.

Habang nagsasalitan ang Winston light at tasa ng kape sa pagdampi sa'king labi, at nakikinig sa MP4-- ang Makati, na imperyo ng ilaw, ang kaulayaw ng aking mga mata kung gabi. Ilan kayang mga kaklase ko o kakilala ng mga kakilala ko ang nasa malamig na mga opisina ng Makati sa mga sandaling iyon at paulit-ulit na nagsasabing, "How I may help you?" Sa tuwing titingala naman ako sa langit, bukod sa bitwin, kislap ng ilaw ng mga eroplanong palabas ng bansa ang aking nakikita.

Matagal ko nang gustong imbitahin ang Pangulo sa aming munting tore upang magkape. Masarap magkape sa tore. Sa umaga, makikita mo ang mga bahay na giniba, mga basurang naglutang sa ilog at may mga batang namamangka upang mangalakal (pangangalap ng mga basurang maaaring ibenta sa junkshop), mga bubong na may pabigat na gulong. Sa gabi, babatiin ka ng Makati, ang lungsod na uso ang eyebags at ng mga kababayan nating inihahatid ng eroplano upang maging alipin sa iba't ibang panig ng daigdig.

Alam ko namang pagod lagi si Gng. Arroyo upag isalba ang kanyang inangking trono, kaya nga nais ko siyang imbitahang magpahinga rito sa tore kahit isang araw lang. Ipagtitimpla ko siya ng pinakamasarap na kapeng barako upang kabahan naman siya sa pagsasabing: "Ramdam ang Kaunlaran."

Kung sakaling mabasa ito ng Pangulo at interesado siyang pumunta: Pakisuyo, magdala ka ng tinapay, mahal na kasi ang pandesal sa bakery. Kung sa tore ka naman manananghalian at maghahapunan, magbaon ka na lang kasi wala pa kaming pambili ng bigas at ulam. Isa pa, mahirap din magluto sa bahay kasi uling na ulit ang aming ginagamit. Sana makapunta ka.

:-)


No comments: