Ilang araw na ring bumabaha sa aking mga email adresses at facebook account ang mga petisyon na nananawagan sa pagtigil ng giyera sa pagitan ng Hamas at mga kawal ng Israel.
Nitong mga nagdaang araw, laman ng mga pahayagang nakalatag sa mga nadaanan kong bangketa ang larawan ng mga biktima ng bomba ng Israel. Sandamakmak na ang aking naprint at nabuklat na libro upang taluntunin ang kasaysayan ng kanilang alitan: mula Bibliya patungong isyu ng politika at ekonomiya.
Sinundan ako ng mga batang nasa dyaryo hanggang sa aking panaginip. Kumakatas ang dugo sa kanilang nabutas na bungo, may isang nagpatulong sa aking hanapin ang kanyang kanang braso at marami pang eksenang nakapanlulumo na nananahan pa rin sa aking memorya. Ganito ako 'pag sobrang apektado sa aking nakita.
Sa aking pagbabasa, unti-unti kong nakita ang papel ng Estados Unidos sa naturang giyera. Sa ngalan ng langis, naging libingan ang Gaza.
Alam ko, maliit na bagay lang ang aking pirma. Kaya nga 'pag nagkaroon ng pagkakataon na makaharap ko ang mga naghatid sa mga bata sa'king panaginip sa habambuhay na pagkabata-- pulang sapatos ni Ronald McDonald's ang tatama sa kanilang mukha.
12 January, 2009
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment