Gustung-gusto kong sumakay ng LRT2 laluna kung araw ng Linggo. Sulit na sulit ang pamasahe: maeenjoy mo ang aircon nang nakaupo. Kung said na said na siguro ang hiya ko, baka humiga pa ako dahil konti lang tao at di naman nila ako kilala.
'Pag ganitong araw, sumasakay ako sa pinakadulo. Iniisa-isa ko ang mga tula na nakapaskil sa gilid sa itaas. Hindi na ako tinatalaban ng mga tingin ng mga usyusero sa tuwing ginagawa ko ito.
Parang bang kasalanan ang magbasa kung makatingin sila. Nang tingnan ko naman sila, parang gulat na gulat na may ganon pala sa taas. Hindi ko rin naman sila masisisi kung 'yon nga ang unang beses nilang mapansin na may dramang nagaganap sa loob ng LRT. Papansinin pa ba 'yon ng isang saleslady sa SM na pagud na pagod sa maghapong pangungumbinsi sa mga nagwiwindow shopping? Mapupuna pa ba 'yon ng isang call center agent na namomroblema sa quota? Laluna naman siguro talagang hindi na 'yon makikita ng isang ama o ina na parang manok na tutuka-tuka sa pagod.
Nang makaupo ako, biglang naala ko naman ang isang eksena sa pelikulang Rent. 'Yung buong giliw na sumayaw si Angel at Collins sa tren habang kumakanta ng "Let's open up a restaurant in Santa Fe..." Parang factory ng mga alaala o eksena ang aking utak sa mga pagkakataong tulad nito. Pero agad din naman akong nakababalik sa realidad 'pag bukas na 'pag bukas ng pinto ng tren laluna 'pag tumambad na sa akin ang mga "patok" na jeep na nagmamadali sa Aurora Blvd.-- Pinoy ako at nasa Pinas ako.
Pinoy ako at nasa Pinas ako, pero ang labis kong pinagtataka, bakit mas nauunang sabihing "Next station" o "Approching" kesa sa "Ang susunod na estasyon" o "Paparating na."
18 January, 2009
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment