29 January, 2009

Almusal with Bob Marley

"Emancipate yourselves from mental slavery.
None but ourselves can free our minds..."

Tulad ng dati, nagsimula ang aking araw sa pagsasawsaw ng pandesal sa umuusok na kape. Sinundan ng dalwang sticks na Winston light. Eraserheads kahapon, si Bob Marley naman ang aking kasalo ngayong umaga habang nagpapalipat-lipat sa pahina ng Philippine Daily Inquirer.

Ang sabi sa balita, dadagdagan na raw ng isang taon ang kursong Nursing at mga kursong Liberal Arts at AB upang maitaas ang kalidad ng edukasyon. Napaso ako sa nabasa, sa halip na magkunot ng noo, natawa ako sa lohika ni CHED Chairman Angeles.

"Mr. Chairman, hibang lang po ang maniniwala na sa isang taon ay kayang i-angat ang kalunus-lunos na kalidad ng edukasyon sa bansa. At sa gitna ng krisis na sumasaklob sa santinakpan, Mr. Chairman, ang inyong pakana ay walang patutunguhan kundi pagtuligsa." Ang nasabi ko sa aking isip na magiging linya ko kay Mr. Angeles kung sakaling makita ko siya.

Ang isang taon ay hindi lang nangangahulugan ng dagdag na araw na ipapasok namin sa paaralan-- para sa kaalaman ni Mr. Chairman, upang makapunta po kami sa aming mga campus ay kinakailangan naming mamasahe. Dahil kaming mga estudyante ay tao rin lang, kinakailangang kumain. Hindi naman po tinatanggap sa canteen ang perfect o mataas na score sa exam o recitation, kaya kelangan pa rin namin ng pera. Tiyak, kakain po ng malaking espasyo ang iba pang pinagkakagastusan naming mga estudyante kaya't di ko na iisa-isahin pa, kabisado niyo 'yon. Para naman kayong hindi naging estudyante.

At siyempre dahil nga mga estudyante pa lang kami, umaasa pa rin kami sa aming mga magulang na hirap na hirap na sa paggawa ng himala kung paano pagkakasyahin ang kakarampot na suweldo. Meralco, Maynilad, PLDT, LPG, Rent, Galunggong, Baboy, Manok, Sardinas, Pancit Canton, Bigas, Allowance, Tuition, etcetera.

Etcetera na siyang dahilan ng pagdagsa ng wrinkles sa mga mukha ng aking mga magulang, ng karamihang magulang na nagpapa-aral sa kasalukuyan. Etcetera na nagpapataas sa blood pressure ng mga tatay at nanay sa buong bansa.

Hindi ba't maraming mga lider ng bansa ang produkto ng sistemang apat na taon sa kolehiyo? Kinokumbulsyon ang sistema ng edukasyon hindi dahil sa bilang ng taon na kailangang ipasok kundi dahil sa "Badyet" na inilalaan para sa pagkatuto ng mga tagapagmana ng Pilipinas.

Kuwento ng isang pari noon sa isang forum na nadaluhan ko, nang maka-usap daw niya ang Ambassador ng Cuba, nakuwento nito na ang mga kabataan daw sa kanila ay itinuturing na prinsipe at prinsesa. Ang tanging tungkulin ng mga estudyante sa Cuba ay mag-aral at magpakahusay.

Kung ito ay payabangan na naman ng kuwento, 'yung tipong wala kayo sa lolo ko, o 'yung si Juan ang pambato sa mga taga-ibang bayan, siguro ganito ang magiging hirit ng isang estudyanteng Pinoy: Wala kayo sa amin! Sa'ming school 'di mo na mapag-iba ang bintana sa pinto at di lang 'yan 'pag maji-jingle ka, masusuka ka muna bago ka maihi. At ang mga libro? Ka-birthday pa ng lolo ng lolo ko. At pag nagreklamo ka, di na teacher ang hahataw sa'yo, si mamang pulis na at pagkatapos ay may free paligo from manong bumbero.

Naputol ang aking mga iniisip na mga linyang sasabihin ko kay CHED chairman nang tumunog ang aking cellphone at may nagpa-alala na may activity kami sa araw na 'yon. Na-LSS ako kay Bob Marley kaya't buong hapon ko siyang ka-jam.

"Get up, Stand-up! Stand-up for your rights..."






No comments: