"Bakit wala kang tungkod, eh di ba lola ka na? Sabi mo sumasakit na ang 'yong paa."
Nakangiting usisa ng batang lalaki na wala ang dalawang ngipin sa itaas sa kanyang lola nang may sumakay na isang lolo na may tangan-tangang kamagong na tungkod. Bumungisngis ang lahat ng pasahero ng jeep na sinasakyan ko patungong Quaipo sa narinig.
Walang anu-ano, umandar ang nostalgia sa aking katawan. Isa-isang sumakay sa biyahe ng aking alala sina lolo, lola at maging ng aking mga magulang, tiyo't tiya, mga kapatid, kaibigan at pamangkin-- at huminto sa aking sarili, ako bilang ako na biglang inapuhap ang bigat ng salitang matagal nang narinig at ginagamit-- "pagtanda."
Maluwag sa loob ko na mangungulubut at mangungulubot ang aking balat kahit ano pang cream o cleanser ang ipahid ko rito. Kaya nga siguro ganon na lang ang aking pagka-adik sa pagpapapiktyur para 'pag dumating ang araw na ito, may mababalikan ako upang alalahanin ang aking kabataan. Hindi ko pinangangambahan na isang araw sa 'pag harap ko sa salamin ay wala nang itim na hibla ng buhok sa aking ulo, hinding-hindi ako hihingi ng tulong sa tina-- sa totoo lang, ikatutuwa ko pa ito dahil sa wakas ay pareho na kami ni Richard Gere. Kung kailanganin ko nang humingi ng lakas sa tungkod, gagawin ko pero ang nais ko ay isang tungkod na kulay bahaghari.
Kung mayroon man akong kinatatakutan sa aking pagtanda-- iyon ay baka hanggang discount lang pa rin ang kabayaran sa aking pagkakuba at panghihina upang makapagbayad ng buwis at baka laging lugaw ang laman ng tiyan dahil baka sa panahon ng aking pagtanda ay mas masahol pa sa ngayon ang halaga ng pamumuhay ng mga ordinaryong tao.
'Pag baba ko sa Quaipo, mula malaking speaker na kulay itim sa harap ng Chowking ay malakas subalit malambing na kinakantahan ni Jason Mraz ang mga paroo't paritong mga tao na namimili ng DVD pagkatapos humiling sa Nazareno.
"Why are there so many, songs about rainbow?"
25 January, 2009
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment