Nangangalahati pa lang ako sa binili kong inumin, naka-amba na agad sa plastic bottle ang mga madudungis na kamay ng mga batang namumulot ng maaaring ibenta sa junkshop.
Bahagi na sila ng nanlilimahid na kalsada ng Metro Manila, hindi sila umaabsent dito. Umulan man o umaaraw, ginagalugad nila ang lansangan, parang mga pusang naghahanap ng grasya sa kalawanging drum na nilalangaw o kung minsa'y may piging ng mga dagang sinlaki ng tuta.
Kilala ko na ang ilan sa kanila. Sa tuwing makikita ako ng limang taong gulang na si Lex sa may SM Centerpoint ay automatic na lumalahad ang palad nito, para bang may ipinatago sa akin o naniningil ng utang. Dalawa sila ng ate Leslie niya ang lagi kong binibigyan ng kung anumang meron ako. Kung minsan naman ay bumibili kami ng tinapay at uupo sa medyo malayo sa kalsada; sa ganito ko sila nakilala. Madaldal ang magakapatid, pati kuwento ng mga kapit-bahay nila kabisadung-kabisado. Nang tanungin ko sila noon kung anong gusto nila maging paglaki, ang dibdib ko'y parang plastic bottle na ginulungan ng G-liner.
"Gusto kong maging pulis." proud na proud na kuwento ni Lex, dahil bukod daw sa suweldo ay may kita pa sa tuwing makakahuli ng driver. Si Leslie naman, hangang-hanga sa kapit-bahay nila na magaling magsayaw na dati raw sa isang bar, ngayon ay halos di nila makilala noong umuwi galing Japan at may kasamang matanda na maraming kwintas na ginto. "Gusto ko ring makapangasawa ng Japanese o pwede rin ang Korean na kamukha ng mga artista sa tv."
Tulad ng gasgas na istorya-- kahirapan ang dahilan kung bakit ang maingay at mausok na kalye ang kanilang paaralan o kung minsan ay tahanang inuuwian ng kanilang pagal na katawan.
Ang lansangan ang kanilang paaralan, ang pagdarahop ang kanilang guro na walang pakialam kung masama man ang kanilang matutunan. Iisa lang ang kanilang pagsusulit: diskerte upang mabuhay. At ang kanilang prinsipal? Andon sa Malakanyang, abala sa pagbabadyet ng pondo para sa giyera. Nagkakandapaltus-paltos na ang paa kasasayaw ng Chacha. Andon sa Malakanyang, nagpaparami ng "Manok at Baboy" habang sina Lex at Leslie ay nakikipagpatentero sa disgrasya.
Habang karamihan sa atin ay parang mga zombie na katatrabaho.
19 January, 2009
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment