Hopiang mongo, ube, baboy at kung meron pa mang ibang uri ng hopia na nag-eexist, basta hopia, solve na ako!
Sa totoo lang, hindi ko pa rin nababasa hanggang ngayon ang nobelang pinanggalingan ng titulo ng entry na ito. Bukod sa wala pa akong pera, ehh wala pa talaga akong pera. May magpapahiram sana sa akin, pero bago pa man mangyari 'yon-- dinevastate na ako ng kanyang pag-ibig-- nawalan ka na nga ng libro, nawalan ka pa ng puso.
Bilang bahagi ng paglimot (naks!), nag-DVD hunting ako sa Quiapo nito lamang. Sa totoo lang, hindi naman paglimot ang naganap, kundi pagbabalik. Pinuntahan ko ang puwesto na binilhan niya ng DVD. Upang kumpletuhin ang drama, bumili rin ako ng mga pelikulang iniuwi niya sa kanyang mama.
Parisukat na hopiang mongo, bilog na hopiang ube at hopiang baboy na parang protractor na ginagamit ko noon sa geometry ang binaon ko pauwi para sa panonood. Mas malasa pala ang hopia 'pag mag-isa ka lang kumakain laluna't sinasabayan ka ni Ploning sa pag-eemote.
Pag-ibig daw ang una't huling paksa ng makata. Pag-ibig daw ang dahilan ng ating paghinga. Sandamakmak ang drama ng mga tao sa salitang pag-ibig; kahit ikaw, may sarili kang moda sa kung ano ba ang pag-ibig.
Basta sa'kin, ang pag-ibig ay hopia. Sinong bang hindi hopia 'pag usapang puso na ang paksa? Aber?
Pagkatapos ng DVD marathon, bago pa man ako ihatid ng aking kutson at mahabang unan sa daigdig ng panaginip, may drama pang idinura ang aking hapung-hapong haypothalamus:
"Nakakumot sa'kin ngayon ang
pulang sarong na ginamit mo.
Hindi ko ito lalabhan. Hinding-hindi.
Dahil wala nang lalambot pa sa balabal na binahayan
ng amoy at init ng 'yong katawan at tuluyang
sumanib
sa nagdurugong tela. Walang sinabi maging ang
Downy."
*pasintabi kay G. Ricky Lee
Sa gay lingo, ang ibig sabihin ng hopia ay ang pagiging "hoping" na kadalasan ay may kinalaman sa pag-ibig.
14 January, 2009
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment