Lagi ko noong inaabangan sa black and white tv namin ang patalastas ng mga bata na isa-isang nagsasabi ng karapatan. "Karapatag makapag-aral. Karapatang magkaroon ng tirahan. Karapatang makapagpahayag..." Ginawang takdang-aralin pa nga namin ito noong nasa elementarya pa lang ako.
Nitong mga nagdaang araw, naging usap-usapan ang pagsuspinde sa mga estudyante ng Quezon City Science High School dahil daw sa isinulat nila sa kanilang blog laban sa mga hindi makatarungang polisiya at bayarin na ipinatupad sa kanilang paaralan.
Ay, kasalanan na pala ngayon ang kuwestyonin ang bigla-biglang paniningil ng P50 para sa notarial fee na dati namang wala at ayon sa DepEd ay hindi nararapat maningil ng miscellaneous fee. Ay, mali na pala na ngayon ang umangal 'pag di ka pinapasok sa paaralan dahil di mo inabutan ang batingaw. Paano pala kung may mabigat na dahilan at noong araw na 'yun ay saktong may exam? Ayayay!
Noong 2007, naging laman ng pahina ng mga pahayagan ang malungkot na kuwento ng batang babae mula sa Davao. Isang araw, nakita na lang kanyang mga kapamilya na may lubid na nakakwintas sa kanyang leeg at ang talampakan niya'y nakalutang sa hangin. Ayon sa kanyang sulat, ayaw niyang maging dagdag pasanin. Ay, labindalwang taon ng kahirapan. Ay, labindalwang taon ng pagtitiis ang naging buhay ni Marianette Amper. Sa hirap ng buhay, naiisip na ng isang labindalwang taon ang magpakamatay.
Marso ng parehong taon na 'yon, isang siyam na taong bata mula sa Campostela Valley ang inihatid ng bala ng militar sa habang-buhay na pagakabata. Bitbit daw ni Grecil Buya ang isang armas kaya't siya'y pinaputukan noong nagkataong may inkuwentro sa kanilang purok. Ay, paano matatanganan ng isang Grecil ang baril na halos sinlaki lang niya? Ay, paano magiging mandirigma ang isang Grecil na nag-aaral at mahusay na estudyante ayon sa kanyang guro? Ayayay!
Ay, walang edad-edad sa karahasan. Walang bata-bata sa mata ng isang di makataong pamahalaan. Hindi na nakapagtataka kung bakit hindi na napapanood ang ganong patalastas ngayon.
Ang karapatan at kalayaan ay pawang mga salita lamang sa bokabularyo ng ating gobyerno.
26 January, 2009
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment