13 January, 2009

Kuwentong kwek-kwek

Sa Teresa, Sta. Mesa, malayo ang nararating ng trenta pesos sa'king bituka.

Kanina, nang wala akong mahanap na maaring iluto sa ref, pumunta ako sa Teresa. Food trip ang moda sa Teresa. Tusok, sawsaw,subo ng kwek-kwek, sawsaw sa suka ng piniritong isaw at calamares. Hindi mahahalata na wala akong masyadong pera kung pagnguya ko ang pagbabatayan.

Bahagi na ng aking buhay sa Maynila ang kalyeng ito. Sa ilang taon kong pagfufoodtrip dito, kanina lang ako na-badtrip. May mga pulis na ang tiyan ay parang binundat ng kwek-kwek at may mga kasamang mga mama na lumapit sa tindahang kinatatayuan ko. Nagsasawsaw ako noon nang marinig ko nang sinabi nang isang mama sa Ale na dapat pagpatak ng ala-singko ng hapon ay matanggal na ang tindahan sa gilid ng kalsada.

Nag-init bigla ang aking bunganga. Alam ko, hindi dahil sa sili na aking nakagat. Hindi ko napigilan ang liyab ng aking dila at nasabing: andon sa Malacanang ang dapat niyong hulihin. Don niyo puntahan ang kriminal na nagnakaw hindi lang ng "Manok" kundi pati ng ating "Baboy!"

Tinitigan lang ako ng mamang pigil na pigil sa pagputak.

No comments: