07 January, 2009

Mga Paglalakbay sa Huling Araw ng 2008

Lucena tungong Gumaca

6:00am, nagtxt ako kay mommy para ipaalam na sasabay ako dahil wala na akong pamasahe. Hindi na ako naligo dahil malapit na siya sa terminal at kailangan ko na agad pumunta doon. Mahalaga ang bawat oras sa mga sandaling iyon dahil kailangan naming magbiyahe papuntang Sampaloc, mga limang oras na paglalakbay mula sa Gumaca. Ikalwang kaarawan noon ng aking pamangkin na si Bughaw, isang mahalagang araw sa amin kaya't walang layo ang di lalakbayin, makantahan lang siya sa kanyang kaarawan. Mahigit isang taon ko nang hindi nakikita si Bughaw, kaya naman sa tuwing kakalungin ko siya noon ay wala pang isang minuto ay gusto na agad kumawala. Mabilis na siyang tumakbo, marami na ring paboritong palabas, at agad sumasayaw 'pag narinig ang "Papaya Song." Alas-tres ng hapon, kahit hindi pa naman talaga oras upang sintensyahan ang mga pagkain sa hapag-- hinatulan namin ang spaghetti, hotdog na may marshmallow sa dulo ng stick na nakatusok sa repolyo, lumpiang shanghai, fried chicken at marami pa upang hindi maiwanan ng last trip ng jeep sa Lucban patungong Sampaloc. Ayaw kong umupo 'pag busog pero mas ayaw ko namang tumayo sa gitna ng bus gayong marami namang upuang naghihintay lang okupahan.

Gumaca tungong Lucena

Ordinary bus ang aming nasakyan pabalik ng Lucena. Sa totoo lang, mas ok ito kesa sa aircon na bus na sinakyan namin pa-Gumaca. Sa labas ng bintana sa aking kanan, emote na emote ang dagat, o baka naman ako talaga ang emote na emote nong mga sandaling iyon. Tulog ang karamihan sa pasahero. Upang mapigilan ang aking bisyo na tumitig sa mga mukhang tulog, minabuti kong sa dagat na lamang makipagtitigan. Sa mga moment na ganito, lagi kong tinutula ang Ode to the Sea ni Pablo Neruda. At nang magsawa na ako sa katutula, itonodo ko ang volume ng MP4 at pinaulit-ulit ang "Almost Lover" ng A Fine Frenzy. Gusto ko noong biglang bumababa at mag-ala Padre Florentino sa El Fili upang itapon sa dagat ang lahat ng bagahe sa'king dibdib. Buti na lang at di ko ginawa, kung hindi baka iwan lang talag ako nina mommy at hindi na talaga ako makaalis doon dahil nga wala naman akong kapera-pera. Mag-aalasingko na nang marating namin ang terminal ng jeep patungong Lucban. Naghilamos muna ako bago muling sumakay dahil ayaw ko namang magbiyahe na may nanuyong asin sa pisngi. Buntong-hininga.

Lucena tungong Lucban

Walang espasyo ng upuan ng mahabang jeep ang hindi mainit. Sa estribo, may tablang inilagay ang kundoktor at may tatlo pang umupo doon. Ang aking pagkaka-upo ay sapat na sapat lang sa aking bayad. Kahit hindi Disyembre, malamig ang hangin patungong Lucban. Palamig nang palamig ang hangin habang papalapit kami sa maliit na bayan na dinarayo kung Mayo dahil sa makulay na Pahiyas Festival. Hindi sapat ang aking sweater na suot upang protektahan ang aking katawan sa lamig. Pero wala naman talagang magagawa ang sweater, maginaw ang paligid, malamig ang aking dibdib-- redundant na pakiramdam. Mag-aalasais na nang marating namin ang palengke ng Lucban. Kampanteng-kampante lang kami dahil ala-siyete pa naman ang last trip. Naghanap agad ako ng pancit habhab. Nilibot namin ang palengke para rito, pero lalo lang akong naglaway nang mabigo kaming makakita. Nataranata kami nang biglang sabihin ng kunduktor ng jeep pa-Sampaloc na 'yon na raw ang huling biyahe. Wala nang gustong magbiyahe dahil ilang oras na lang ay kailangan nang magsabit ng bagong kalendaryo. Iyon ang huling biyahe dahil ang mga tsuper ay abala na raw sa pagmamaneho ng basong may lambanog.

Lucban tungong Sampaloc

Sa biyaheng ito, lahat ng pwedeng maupuan ay inupuan. Dahil marami pa ang mas higit na nangangailangan ng upuan, kahit ang tabla sa estribo, ay aking pinaubaya. Nag-aalala noon ang mga kapwa ko sabit dahil mukhang hindi raw ako sanay sumabit. Kung alam lang nila, ilang beses na akong sumabit sa Maynila dahil: walang pamasahe, rush hour, walang pamasahe, rush hour at walang pamasahe. Pero kakaiba ang pagsabit na ito, bukod sa walang traffic at di mausok at walang businang nagpapalakasan at nagpapahabaan-- dire-diretso ang biyahe sa madilim na kalsada habang sinasalo ng aking mukha ang napakalamig na tubig-ulan. Habang nagbibiyahe, kinakausap ako ng isang mama na nasa bubong, siguro ay natatakot siya na baka makatulog ako kaya't nakipagkwentuhan. Parang pelikula ang moda ng tagpong iyon, ako nakasabit at nakatingala sa kanya, siya naman ay nakaupo sa bubong at nakatungo sa akin. Makuwento si Manong, nagtatanim daw siya sa may paanan ng bundok Banahaw ng mga gulay. Gusto kong biglang mainis nang ipagmalaki niya na magaganda raw ang kanilang pananim na ampalaya. Sa dinami-dami ba naman ng gulay sa kantang bahay-kubo, eh bakit kung alin pa ang wala sa kantang 'yon ay ang siya ko pang maririnig. Hindi ko naman masabing sawa na ako sa amplaya baka kasi hindi na niya ako pagtiyagaang kausapin. Halos mahigit kalahating oras din akong nakasabit. Pasado ala-siyete na nang makarating kami sa Sampaloc. Matapos ang dalwang stick ng Winston Lights (na ang cheka ay mawawala na raw) ay naligo ako upang hindi lagnatin. Matapos ang hapunan, inayos ko na aking higaan. Ikinabit ang kulambo dahil ayaw kong maging hamon para sa mga lamok. Nahiga na rin ang aking kapatid. Bago pa man magsanib ang mga kamay ng orasan upang tawagin ang taong 2009 at mangamoy pulbura ang paligid, nauna nang sumabog ang aking hilik.

Sopas ang una kong hinanap sa aking paggising. Masarap humigop ng sabaw na may gatas. Sabi ni lola noon, mainam daw ang sabaw sa katawang nalamigan. Sana sabaw din ang sagot sa pusong giniginaw.

2 comments:

Unknown said...

mahusay ang pagkakasulat. nakakaantig ng damdamin

Urrugu Urrutia said...

hahaha salamat idol mong. :-) heypi new year!